Wednesday, March 11, 2009

MORIONES SA PANAGBENGA











MORIONES DINUMOG SA BAGUIO ;
PAGHAHANDA SA MAHAL NA ARAW


Sa pagsali ng Moriones ng Marinduque sa nakaraang Panagbenga Flower Festival na ginanap sa Baguio City noong nakaraang linggo, ikinagulat ang mainit na pagtanggap ng mga turistang bumisita sa summer capital ng Pilipinas sa mga morion.

Subalit lumitaw sa pagsusuri at obserbasyon ng mga nakilahok mula sa LGUs ng anim na bayan ng lalawigan sa pangunguna ni Atty. Lord Allan Velasco, provincial administrator at pangulo ng provincial tourism council, na taliwas sa inakala nila, hindi pa rin ganun kalawak ang kamalayan sa labas ng lalawigan tungkol sa Moriones.

Hindi halos matapos-tapos ang pagpapaliwanag ng mga miyembro ng delegasyon tungkol sa nasabing tradisyong pinagkakilanlan sa mga Marinduqueno. Inakala diumano ng ilan sa mga manonood na ang mga moriones ay galing sa Tondo, kung saan may kalye na may gayun ding pangalan, o di kaya’y ang mga nakamaskarang morion ay may kinalaman anila sa pakikipaglaban ni Lapu-lapu noong panahon ng Kastila. Ang karamihan nama’y walang ideya kung ano at saang lalawigan nanggaling ang moriones.

MORIONES FLOAT

Isa ang lalawigan ng Marinduque sa dalawampu’t-pitong karosa na sumali sa Panagbenga Float Competition. Layunin sa pagsali na palaganapin sa bansa ang kamalayan tungkol sa kultura at pang-turismong tulak ng lalawigan. Layunin din na patibayin ang hangaring Marinduque na nga ang ituring na Lenten Capital of the Philippines . Sa pakikipagtulungan ng Globe ay nagmudmod ng mga tourism promotional flyers ang delegasyon sa libo-libong nanood sa parada na nakatulong din sa pagpapaliwanag ng contingent.

Itinampok sa karosa ng Marinduque ang isang higanteng mukha ng morion sa unahan nito na gawa sa bulaklak. Sakay ng karosa ang ilang morion kasama si Velasco na nakasuot morion din. Nasa unahan naman nito ang walking contingent ng mga morion at mga kagawad ng LGU’s na sumama sa pagdiriwang. Sa trade fair component ng Panagbenga ay naging matagumpay din ang pagpapakilala sa mga produktong gawa sa Marinduque sa pamamagitan ng Marinduque trade booth. Itinampok dito ang mga ibat-ibang souvenir items, processed foods at iba pang produkto.

Ang Panagbenga sa taong ito ay dinaluhan ng tinatayang higit sa isa at kalahating milyong mga turista at ito na diumano ang pinakamalaki sa kasaysayan nito ayon sa mga nag-organisa ng festival.

PAG-USAD NG MORIONES FESTIVAL

Samantala, inihayag ni Velasco na higit na magiging masusi ang isinasagawang paghahanda para sa darating na Marinduque Moriones Festival ’09. Mula sa Araw ng Palaspas hanggang sa Araw ng Pagkabuhay ay puno ng mga panoorin, aniya, ang isasagawa. Ilan dito na karagdagan sa mga paghahanda ng mga bayan-bayan ay ang Moriones Festival Regional Trade Expo na sasalihan ng mga lalawigan mula sa MIMAROPA Region, at sasalihan din ng lahat ng bayan sa Marinduque, isang morion art exhibit, pagtatanghal ng Sinakulo, “Pugutan”, at “Via Crucis”.

Isang panibagong passion play, “Ang Kristo: Pasyondula” na tatampukan ng mga lokal na artista, bisitang artista, at mga kawani ng pamahalaan ang isa pa ring pinaghahandaan. Kasama rin ang organisadong parada ng mga morion at mga sektor na inaasahang magbibigay ng karagdagang kulay sa pang-Semana Santang selebrasyon sa lalawigan.

Pinaghahandaan din ang kauna-unahang pagsasagawa ng “Battle of Moriones” na sasalihan ng mga moriones contingents mula sa ibat-ibang lugar. Karagdagan ito sa mga tradisyonal na grupong moriones tulad ng Kapatirang Morion ng Marinduque, Mistah, at Legion. Magsasagawa sa pagkakataong ito ng choreographed movements kasabay ng tunog ng mga percussion instruments ang bawat kasaling grupo. Ang bilang ng bawat grupo ay hindi bababa sa 42.

Nanawagan din si Velasco sa mga bayan at pribadong sektor hinggil sa kinakailangang paghahanda sa pagdagsa ng mga domestic at foreign tourists sa darating na Mahal na Araw. Iminumungkahi niya ang pagpapalaganap ng local tours, kasama na ang pagpapalakas ng homestay programs at paghahanda ng mga campsites sa mga bayan-bayan upang masagot ang mga kakulangan sa mga hotels at resorts. Ito aniya, ang ilan sa mga pag-uusapan ng masusi sa susunod na provincial tourism council meeting. Inaasahan, aniya, ang higit na aktibong pakikisangkot ng lahat ng sektor dahilan sa mas mataas na kamalayan sa kasalukuyan sa potensyal ng turismo na maging pangunahing industriya sa islang-lalawigan.

7,107 ISLANDS CRUISE

Masayang inihayag naman ni Gob. Jose Antonio N. Carrion ang pagkakasama ng Marinduque sa 2009 Summer Cruise Special Package ng 7,107 Islands Cruise, ang nag-iisang Filipino-owned cruise company. Sa mga buwan ng Marso, Abril at Mayo ay nakatakdang bumisita ang cruise ship sa Marinduque na lulan ang daan-daang turista. Ang cruise ship ay kayang maglaman ng 400 turista at nagbibigay ng mga serbisyong kahalintulad ng mga pang-luxury five-star hotel tulad ng casino, bar, restaurant, sundecks, spa, piano bar, gym at conference rooms.

Ang summer cruises ay nakatakdang bumisita sa Apo Reef, Tara Isaland, Coron at Marinduque mula sa iba’t-ibang daungan ng Manila , Subic at Batangas. Kamakailan ay inilunsad din ng nasabing cruise company ang serbisyo sa tourism triangle ng Palawan , Boracay at Puerto Galera.

Senyales ito ani Carrion, ng kahalagahan ng Marinduque sa usaping pangturismo kaya’t ang pag-uugnayan ng lahat ng sektor ng pamahalaan, lalo na ang mas masidhing pakikipagtulungan ng pribadong sektor ang inaasahang magaganap. “Wala nang dahilan ngayon para tayo maiwanan ng ating mga karatig-lalawigan sa usaping turismo”, ani Carrion.

2 comments:

leanne said...

dapat unahin ang probinsya kung ano ang ikagaganda nito at kung paano makikilala ito ng tama hindi sa mali katulad nang nangyari before marinduque became famous because of the 1996 toxic spill of MARCOPPER then after that medjo umaangat and moriones was featured by ABS-CBN after that wala na kasi there is nothing new for the people to become interested in the province.....madaming maganda sa marinduque and iam proud of that hindi lang nililinang ng maayos ng mga namumuno dito kung tayo nakadala natin ang moriones sa PANAGBENGA and QUIAPO bakit di tayo magkaisa na bumuo at matatawag nating isang MORIONES FESTIVAL that the tourist can look on to even it is once a year event...magkaisa nag mga bayan at pagisahin ang mga ginagawa nilang event upang di magkaligaw ligaw ang mga turista kapag nsa marinduque nsa sila kasi my certain place silang mapupuntahan to watch and enjoy......

eli j obligacion said...

Hmmm this is a belated response pero we did introduce a lot of things in the last moriones festival celebration, such as group competitions with choreographed movements for the moriones which was quite successful and participated in by seven groups from all over the province and the introduction of a live passion play that did away with the old dubbed and mimed presentation. Thanks for your interest leanne.