Friday, February 21, 2014

Mga anomalya sa settlement ng Barrick Gold alamin! Nakaumang na!


"Ang sekreto ng kalayaan ay nakasalalay sa pagtuturo sa mga tao, subalit ang sekreto ng paniniil naman ay ang pagpapanatiling mangmang sa kanila."
Tila ang mga katagang ito ang batayan ng mga kinauukulan para sa usapin ng Barrick Gold settlement - gawing mangmang ang mamamayang Marinduqueno.


US Lawyer Scott
Simula pa noong unang humarap ang US lawyer na si Skip Scott sa mga stakeholders ng Marinduque noong January 21, 2012,  ay una na niyang sinabi na diumano ay may gag order kuno ang Korte sa Nevada kung saan dinidinig ang kaso ng Provincial Government of Marinduque laban sa Placer Dome at Barrick Gold. 

Ito ang epektibong paraan ng mga mapanglinlang para panatilihing lihim ang mga mahahalagang bagay na may malaking bahagi sa buhay ng mga Marinduqueno. Paraan ito para palaganapin ang takot o banta sa sinumang may ibig malaman na mahahalagang bagay tungkol sa usaping ito.

Ang kasong nabanggit ay para sa pagpapakumpuni at rehabilitasyon ng mga lugar na winasak ng Marcopper sa lalawigan tulad ng Mogpog at Boac River, Calancan Bay at iba pang mga bahagi sa kabundukan at karagatan at paghingi ng danyos. Sinampa sa korte sa USA noong 2005.

Sa loob ng higit sa nakaraang dalawang taon na nabanggit mula ng nakipagpulong ang Amerikanong abogado ay mistulang naging palaisipan sa mga tao ang hinihinging mga kundisyones at pangangailangan ng Barrick Gold kapalit ng maliit na bahagi ng hinihinging kabayaran. 

Walang mga opisyal na dokumento na naipamahagi sa stakeholders na nagsasaad ng ano mang detalye tungkol sa kundisyones at nanatiling tahimik naman sa pangkalahatan ang mga opisyales ng kapitolyo kabilang na ang mga bokal tungkol dito.

Maliban sa panakanakang deklarasyon galing sa ilang bokal na hindi raw katanggap-tanggap ang mga kundisyones ng Barrick Gold ay hindi naman ibinabahagi sa mga tao kung ano ang mga hindi katanggap-tanggap na bagay na ito at puro pahapyaw lamang kapag ito ay tinatalakay nila sa pahayagan o sa ano mang panulat.

Nang papalapit na ang 'deadline' para magdesisyon ang mga mamamayan ng Marinduque, sa gitna ng mga katanungang hindi nasasagot, ay may nailimbag na ulat mula sa Philippine Information Agency Marinduque (PIA Marinduque). Nagsasaad ito ng mga ilang kundisyones na iginigiit diumano ng Barrick Gold. Mga kundisyones na hindi naman pinabulaanan ng mga kinauukulan. Hindi rin maliwanag kung may iba pang kondisyones na hindi naisama sa ulat na ito. Ito ay ang mga sumusunod:

MGA KUNDISYONES NG BARRICK GOLD:

- Anumang settlement money ay hindi maaaring gamitin sa rehabilitasyon at pagpapakumpuni ng nawasak na mga lugar at kapaligiran dala ng pagmimina;

- Dapat pumirma ang Provincial Government sa dokumentong nagsasabing:

- Ang Placer Dome, Inc. ay hindi kailanman nag-operate ng business sa Pilipinas;

- Na ang Marcopper Mining Corporation at Placer Dome, Inc. ay magkaibang kumpanya;

- Na ang mga Korte sa Pilipinas ay walang jurisdiction sa anumang kaso laban sa Placer Dome, Inc. at Barrick Gold;

- Na ang pagtapon ng Marcopper ng lasong basura ng mina (mine waste) sa Calancan Bay ay may permiso mula sa gobyerno;

- Na ang Marcopper ay tumupad sa cease and desist order ayon sa mandato ng Pollution Adjudication Board (PAB) noong Abril 11, 1988;

- Na ang Marcopper ay sumunod sa lahat ng requirements na naaayon sa itinakda ng Office of the President noong Mayo 13, 1988; Na sa pag-uutos na nasabi mula sa Pangulo ay nagsasaad diumano na ang tuloy-tuloy na pagtatapon ng basura ng mina sa Calancan Bay at tuloy-tuloy na pagmimina ang siyang gustong mangyari ng publiko.

- Na ang mga siyentipikong ebidensya ay nagsasabing ang pagtatapon ng basura ng mina sa karagatan ng lalawigan ay hindi makakaperwisyo sa kalusugan at kalikasan;

- Na ang pagtatayo ng Maguila-guila Dam ay naaayon sa lahat ng requirements at permits;

- Na ang naging sanhi ng pagbabaha sa Mogpog noong Disyembre 1993, ay ang Bagyong Monang; Na ang pagkasira ng Maguila-guila Dam ay dala ng pangkalikasang kadahilanan at walang kinalaman sa Marcopper o Placer Dome, Inc.

- Na matapos ang pagbaha ng basura ng mina sa Boac River, ang Placer Dome, Inc. ay boluntaryong nangako sa dating Pangulo Fidel Ramos at tiniyak na ang Marcopper ay may kapasidad na teknikal at pananalapi upang ilagay sa ayos ang pagtagas ng mine waste at bayaran ng karampatang compensation ang mga nabiktima; Na ang mga bagay na ito ay boluntaryong isinagawa ng Placer Dome, Inc. at hindi naaayon sa anumang legal na basehan o responsibilidad;

- Na napaso o lumipas na ang prescription period para sa pagsasampa ng ano mang kaso na may kinalaman sa pagtatapon ng mine waste sa Calancan Bay, pagsabog ng Maguila-guila at ang pagtagas/pagbaha ng mine waste sa Boac River;

- Na ang boluntaryong ipinangako (ng PDI) ay walang legal na basehan at hindi sapilitan at ang pangakong ito ay tinupad ng maayos;

- Na ang konsiderasyon na ibabayad ng Placer Dome, Inc. at Barrick Gold sa lalawigan ay naaayon sa mga kondisyones na makatarungan at tama.  - PIA Marinduque

Rally ng MACEC

"NO!" MULA SA MACEC

Ang Marinduque Council for Environmental Concerns (MACEC), na itinaguyod ng lokal na Simbahang Katoliko, ay nauna nang nagpahayag na dapat tanggihan ang proposed settlement ng Barrick Gold. Ayon sa pahayag ni Elizabeth Manggol, executive director ng MACEC, sa Philippine Daily Inquirer, dapat itong ibasura "hindi lamang dahil napakaliit ng halaga, kundi dahil sa mga ilang kundisyones na nagpapawalang-sala sa kumpanya sa mga pagsira sa kalikasan". 

"Kasama sa mga kundisyones nila ay hindi maaring gamitin ang pondo ng settlement para sa pagpapaayos at pangrehabilitasyon (ng mga nawasak na ilog at mga pangminang instruktura), samantalang iyon ang pinaka-pakay (ng demanda)", ani Manggol. 

Ang MACEC, isang multisectoral group sa ilalim ng Diocese of Boac, ang nanguna sa pagsulong ng $100-milyon demandang inihain ng gobyerno ng Marinduque laban sa Placer Dome at Barrick Gold noong 2005.


Mga opisyal ng Bayan ng Boac

"NO!" MULA SA BAYAN NG BOAC, GASAN at BUENAVISTA

Nagpasa naman ang Pamahalaang Bayan ng Boac ng Resolution No. 2013-100 noong Disyembre 18, 2013 na nagmumungkahing i-renegotiate ang terms at conditions na inilatag ng Barrick Gold, dahilan sa ang mga kundisyones na hinihingi ng Barrick ay hindi katanggap-tanggap at hindi kapakipakinabang sa mga mamamayan ng Marinduque, kasama na ang kasalukuyan at mga susunod pang henerasyon. 

Ipinaliwanag ng Bayan sa Resolusyon na sa pag-asang makakamit ang hustisya para sa mga mamamayan at kalikasan ng Marinduque ay sinuportahan ng mga mamamayan at civil society organizations ang paghain ng kaso sa Estados Unidos

Pangunahin anila rito ang paghiling na iutos ng Korte ang pagbibigay ng danyos sa pagkawasak ng kalikasan at pagsasaayos sa mga lugar na napinsala dala ng pagmimina, kasama na ang mga pagsasaayos ng mga dam structures na naging mapangib na sa mga buhay at ari-arian.

Ang mga Sangguniang Bayan ng Gasan at Buenavista ay nagpasa rin ng kahalintulad sa Resolusyon ng Bayan ng Boac na sumusuporta sa renegotiation ng terms and conditions na inilatag ng Barrick Gold.


Sinusuportahan din ng Mining Watch Canada ang paglaban sa
pang-aabuso ng kumpanya sa iba pang mga lugar sa daigdig.

"NO!" MULA SA MINING WATCH CANADA

Ang Mining Watch Canada naman, sa pamamagitan ni Dr. Catherine Coumans, ay nagpahayag ng pagsuporta sa aksyon ng MACEC at Bayan ng Boac. Pinahayag ni Coumans ang kanyang "paghanga sa integridad, katalinuhan at lakas ng mga Marinduqeno sa pagpapatuloy ng mahabang panahon ng paglaban para sa totoong hustisyang pang-kalikasan at pang-pamayanan"

Binatikos ni Coumans ang Barrick na matapos aniyang maabot ng matagumpay ang paglilitis sa kaso ay lalo namang dinadagdagan ang sugat na dulot ng pagmimina sa Marinduque ngayon - sa pamamagitan ng mga pambatas na kathang isip (legal fictions), pagtanggi sa katotohanan at pagpigil sa mga Marinduqueno na gawin ang dapat nilang gawin - ayusin ang mga dam at linisin ang ecosystems.   


("As always I am so very impressed with the integrity, intelligence and energy that Marinduquenos continue to bring to the very long struggle for real environmental and social justice after the devastations of mining. To finally have a successful court case only to see it end in legal fictions that deny truth and stop Marinduquenos from spending the crumbs Barrick is throwing off the table to do what they really need to do - fix dams and clean up ecosystems - is really adding further injury to the harm already wreaked by mining. " - Catherine Coumans, MiningWatch Canada)

Ayon din kay Coumans, ang hindi pagtanggap ng Barrick sa responsibilidad nito ay nangangahulugan na ang masaklap na papel ng Marinduque bilang poster child na iresponsableng pagmimina, noon at ngayon, ay tiyak na magpapatuloy.


Barrick’s unwillingness to shoulder the responsibility of ensuring that the environment and people of Marinduque are made secure means that the province’s unfortunate role as the poster child for irresponsible mining, past and present, will surely continue.

"NO!" MULA SA KALIKASAN PEOPLE'S NETWORK FOR THE ENVIRONMENT (KPNE)

Nagpahayag naman ang Kalikasan People's Network for the Environment (KPNE) ng pakikiisa sa pakikipaglaban ng mga Marinduqueno. Ayon sa KPNE sinasamantala ng mga corrupt officials sa Marinduque ang pagpapayaman sa kanilang sarili kahit pa ang kapalit nito ay ang pagtalikod sa hustisyang pangkalikasan na hinihingi ng mga mamamayan.

IGINIGIIT PA RIN NG PROVINCIAL GOVERNMENT AT
NAKAUMANG NA SA PAGPIRMA?

Samantala, sa gitna ng mga protesta, batikos at panglilinlang, lumalabas na iginigiit pa rin ng mga kinauukulan ang pagsulong at pag-ayon sa mga kagustuhan ng Barrick Gold na nabanggit na sa itaas. Ayon sa ulat, nakipagpulong kahapon, February 20, 2014, sa Komiteng Pangkalikasan ng Sangguniang Panlalawigan at mga bokal, ang abogadong Amerikano, si Atty. Skip Scott at kasama nito sa Marinduque sa unang pagkakataon si Neric Acosta (Presidential Adviser on Environmental Protection).

Ayon sa case records ng Supreme Court of the State of Nevada kung saan inihain ang kasong ito, mayroong hanggang Marso 10, 2014, (o 60 days mula January 10, 2014), ang dalawang partido para ipaalam sa Korte kung ano na ang status ng settlement. 

Matatandaan na noong December 6, 2011, ay inaprubahan ng Korte ang kahilingan ng dalawang partido na ihinto muna ang kaso para masimulan ang settlement discussions ng magkabilang-panig. 

Base sa case records ang paghinto (stay), ay pinapahaba (extended) tuwing 60 araw. Kapag nagkasundo ang dalawang partido ay ititigil na ang paglilitis sa kaso at wala ng habol ang lalawigan sa ano mang usapin na may kinalaman dito. Kapag walang naging kasunduan ay matutuloy naman ang pagdinig sa kaso hanggang ito ay madesisyunan ng Korte.
Tanong: Magigising na baga ng tuluyan ang mga mamamayang Marinduqueno sa maanomalyang usaping ito?

Updated 2/22/14 9:30 AM.