Sunday, March 2, 2014

Ano baga ang mga hindi malunok na kundisyon sa 'take it or leave it' ng Barrick na 'yan?

Setyembre 11, 2013, sa Bulwagang Pulungan ng Sangguniang Panlalawigan ng Marinduque (SP) inialok ng Barrick Gold ang final settlement option on a "take it or leave it" basis. Ayon sa ulat, ang buong maghapon ay halos matapos sa napakahabang kuwento ng US lawyer, Atty. Skip Scott tungkol sa mga pangyayari sa pagfile ng kaso hanggang mauwi ito aniya sa proseso ng negosasyon para hindi na ituloy ang pagdinig sa kaso.



Nang dumating ang open forum ay magkahalong emosyon at opinyon ang naipahayag. Mayroon agad nagsabi na samantalahin na ang oportunidad at mayroon din namang nagpahayag ng matinding pagtutol. Ilan din ang sumubok at nagpumilit magtanong ng mga kundisyon kapalit ng alok ng Barrick subalit hindi ito sinasagot at manapa'y laging binibigyang diin ang "confidentiality status" ng negosasyon. Matapos ang mainit na mga diskusyon sa huli ay inilahad din ng abugado ang mga kundisyon kung kailan huli na dahil iilan na lamang ang natira sa Bulwagang Pulungan at nakapakinig nito.

Hanggang sa kasalukuyan ay guwardiyado ang ano mang dokumento na naglalahad ng mga kundisyon mula sa Barrick dahil sekreto nga raw. Bagamat sa mga opisyal na pulong ng SP, ito ay napagkasunduan na ipapamahagi upang maging gabay ng publiko. 

Dahil dito, ang naging basehan ng mga stakeholders ay nagmula mula sa kanilang napakinggan sa consultative meeting na namutawi mula sa bibig ng abogado. Ang ilan dito ay nailathala na, ang ilan ay naipamahagi sa social media, at ang iba naman ay sa pamamagitan ng leaflets. Wala ni isa sa mga nakapaloob dito ang itinanggi ng pamahalaang panlalawigan - dahil ito ang totoo:


Ang hindi naging katanggap-tanggap na mga kundisyong nabanggit, gayundin ang mga implikasyon nito ayon sa mga naipamahaging sulatin sa publiko, ay ang mga sumusunod:

1. Tuluyang iuurong ng pamahalaang panlalawigan ang kaso sa Nevada laban sa Placer Dome at Barrick.
2. Mayroon ding mga "Katotohanan" o "FACTS" na IPAPAAMIN sa Pamahalaang Panlalawigan:
        1. Na ang Placer Dome, Inc. (PDI) ay hindi kailanman nagsagawa ng kahit anumang pagnenegosyo sa Pilipinas.
        2. Na ang Marcopper at Placer Dome, Inc. (PDI) ay isang magkaibang kompanya.
        3. Na ang Barrick Gold ay hindi kailanman nagsagawa ng anumang gawain sa Pilipinas.
        4. Na ang mga Korte sa Pilipinas ay walang hurisdiksyon sa mga kaso laban sa PDI at Barrick.
        5. Na ang pagtatapon ng Marcopper ng basurang mina sa Calancan Bay ay may kaukulang permiso ng pamahalaan.
        6. Na ang Marcopper ay sumunod sa cease and desist order na iniatas ng Pollution Adjudication Board (PAB) noong Abril 11, 1988.
        7. Na ang Marcopper ay sumunod sa mga rekesitos sa ipinalabas na order ng Tanggapan ng Presidente ng Pilipinas noong Mayo 13, 1988.
        8. Na ang nasabing order ng Pangulo ay ipinahayag sa naging findings ng national government na ang patuloy na pagtatapon ng basurang mina sa Calancan Bay at ang patuloy na pagmimina ay siyang nais ng publiko.
        9. Na ipinahahayag ng siyentipikong ebidensya na ang basurang mina sa mga katubigan ng lalawigan ay hindi nagdudulot ng hindi katanggap-tanggap na peligro sa kalusugan.
       10. Na ipinahahayag ng siyentipikong ebidensya na ang basurang mina sa katubigan ng lalawigan ay hindi nagdudulot ng hindi katanggap-tanggap na epekto sa kapaligiran.
       11. Na ang pagtatayo ng Maguila-guila Dam ay sumunod sa mga rekisitos at may kaukulang permiso.
       12. Na ang sanhi ng pagbaha sa Mogpog ay dahil sa Bagyong Monang noong December 1993.
       13. Na ang pagkawasak ng Maguila-guila dam ay gawa ng kalikasan at hindi ng Marcopper o PDI.
       14. Na matapos ang pagbulwak ng basurang mina sa ilog ng Boac ay boluntaryong nangako ang PDI sa dating Presidente Fidel Ramos at tiniyak na ang Marcopper ay may kakayahang teknikal at pinansyal upang matugunan ang epektong dulot ng pagtagas ng basurang mina at mabigyan ng kompensasyon ang mga biktima. Ginawa ito ng PDI ng boluntaryo at walang anumang legal na batayan ng pananagutan.
       15. Na tapos na ang prescription periods para sa mga posibleng pagsampa ng kaso kaugnay ng ginawang pagtatambak ng basurang-mina sa Calancan Bay, ang pagkawasak ng Maguila-guila Dam at ang pagbulwak ng basurang mina sa ilog ng Boac.
       16. Na ang boluntaryong pangako ay walang naging legal na batayan at hindi sapilitan, at ang pangako ay maayos na natugunan.
       17. Na ang konsiderasyon na ipagkakaloob ng PDI/Barrick sa lalawigan batay sa mga kasunduan ay sapat at marapat lamang.
IBA PANG MAHALAGANG IMPORMASYON:
Ginagamit nila ng husto ang sinasabing "confidentiality" upang hindi maipaalam ang mahahalagang impormasyon na kailangang malaman ng mga stakeholder sa kabila ng hindi magandang resulta ng negosasyon.
ANO ANG MGA IMPLIKASYON AT POSIBLENG EPEKTO SA HINAHARAP?
1.   Mapapawalang sala ang kumpanya ng Marcopper at mga kasosyo nito sa lahat ng kanilang pananagutan sa lalawigan.
2.   Malilinis ang kanilang reputasyon, at mga ebidensya at malaki ang epekto nito, posibleng maging dahilan pa ito upang ma-dismiss ang iba pang mga kaso laban sa Marcopper.
3.   Tuluyan ng mawawala ang tsansa na magkaroon ng hustisyang pangkapaligiran at maisaayos kung hindi man maibalik sa dating anyo ang nasirang kapaligiran dulot ng tatlumpung taong (30) pagmimina sa lalawigan. Hindi lamang ngayon pati ang kapakanan ng susunod na henerasyon ay apektado.
4.   Mawawala na rin ang tsansa para masingil ang kabayaran sa hinaharap bunga ng patuloy na epekto ng nasirang kapaligiran sa mga tao at sa kapaligiran. Sino ang ating papanagutin kung sakaling maulit muli ang mga sakuna lalo't higit sa peligrong dulot ng nanganganib mawasak na struktura tulad ng Maguila-guila Dam, San Antonio Pit, Makulapnit Dam at iba pang struktura sa abandonadong minahan ng Marcopper.
5.   Wala ding katiyakan kung hindi na magmimina ang Marcopper at ang mga kasosyo nito o gumamit kaya ng dummy upang muling makabalik ng pagmimina sa lalawigan.
6.   Mawawala ang batayan ng adbokasiya ng indibidwal, mga mamamayan, ibat-ibang samahan sa lalawigan upang ipagpatuloy pa ang paghahangad ng katarungan.
7.   Maapektuhan din ang pangkalahatang adbokasiya sa Pilipinas kaugnay ng hindi maayos na pagmimina at baka maging precedent pa ito upang maabsuwelto din ang iba pang mga iresponsableng kumpanya ng mina sa Pilipinas.
8.   Sayang ang lahat ng adbokasiya upang makamit ang hustisya na pinasimulan pa ng namayapang Obispo Rafael M. Lim, dating Obispo ng Diyosesis ng Boac na ipinagpatuloy ng lokal na Simbahan hanggang sa kasalukuyan.   

BABALA ! PANINIIL !
"...di ka pasisiil!"