BALIK-TANAW SA USAPIN NG SINGIL LABAN SA PINSALA NG MINAHAN.
PAALAALA SA ATIN mula sa Ikalawang Sulat ni Pablo sa mga Taga-Corinto SA ARAW NA ITO NG LINGGO:”Parurusahan ng Diyós ang magwasak ng templo niyá. Sapagkat banal ang templo ng Diyós, at kayó ang templong iyan. Huwag dayain ninuman ang kaniyáng sarili. Kung may nag-aakalang siyá’y marunong ayon sa sanlibutang ito, ibilang niyáng siyá’y mangmang upang maging tunay na marunong. Sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa paningin ng Diyós.” (Halaw sa I Sulat sa mga Taga-Corinto 3).
Ito po ang nagsisilbing hamon sa ating lahat ngayon sa Marinduque na muling magkaisa at magkaroon ng malalim na pagninilay hinggil sa mga bagong kaganapan kaugnay sa matagal na nating pakikibaka laban sa mga pinsalang idinulot sa atin ng minahan.
Ang lalawigan ay binibigyan ng pagkakataon hanggang Marso 15, 2014 upang magdesisyon hinggil sa alok na settlement ng Barrick Gold. Ang Barrick Gold ang pinakamayamang kumpanya na nagmimina ng ginto sa buong mundo (http://www.therichest.com/business/companies-business/the-worlds-ten-largest-gold-mining-corporations/).
Matatandaang nagkaroon ng pinakahuling rally sa harap ng kapitolyo upang hilingin sa mga Bokal na magkaroon ng renegosasyon sa hindi-katanggap-tanggap na alok sa mga termino ng settlement agreement mula sa Barrick.
Naghain ng opisyal na resolusyon ang Sangguniang Bayan ng Boac hinggil dito at ito ay sinuportahan ng mga katulad na resolusyon ng Sangguniang Bayan ng Gasan at Buenavista. Nguni't hanggang ngayon ay wala pa itong tugon mula sa Sangguniang Panlalawigan.
Kailangan ngayon ang ibayong pagkakaisa ng mga Boakenyo at Marindukenyo upang tiyaking makatarungan, makatwiran at sapat sa laki ng pinsalang sinapit ng lalawigan ang anumang termino ng settlement.
From Konsehal Myke Magalang's Fb