Monday, March 10, 2014

MACEC nanawagan sa maanomalyang payanig ng Marinduque Govt-Barrick Gold settlement



PAHAYAG
Marso 10, 2014
MAPANIIL NA NEGOSASYON, ITIGIL NA, PAGDINIG SA MGA KASO LABAN SA MARCOPPER, PLACER DOME AT BARRICK GOLD ITULOY
"Kung ganito din lamang ang resulta ng ating matagal na panahong paghahabol ng hustisya laban sa mga kompanyang sumira sa buhay at kabuhayan ng mga mamamayang Marinduqueno ay itigil na ang negosasyon at ituloy na lamang ang pagdinig sa mga napending na kaso", ito ang paninindigan ng mga apektadong mamamayan lalo na sa mga bayan ng Mogpog, Boac at Sta. Cruz.
Matatandaang pansamantalang sinuspendi ang pagdinig sa mga kasong isinampa laban sa Marcopper, una na dito ang kasong isinampa ng pamahalaang Marinduque sa Estados Unidos, ang Writ of Kalikasan sa Supreme Court (pangalawa pa naman ang Marinduque sa nag-avail ng bagong remedy na ito para sa pangangalaga sa kalikasan, sayang kung hindi itutuloy), at ang Perilla et al na nasa Regional Trial Court ng Marinduque upang diumano ay mabigyang puwang ang negosasyon sa kaso ng pamahalaang panlalawigan sa Nevada, subalit anumang oras kung gugustuhin ng sinumang partido ay maaaring ituloy ang pagdinig sa alinman sa kasong ito.
Para sa mga kinauukulan na siyang magpapasiya at magbibigay ng waiver ng kanilang karapatan, kaya po ba ng inyong sikmura na tanggapin ang $20 Milyon o PHP 870,332,000 na kapag kinaltas ang bayad sa abugado na $7 Milyon at iba pang gastos ay tinatayang ang matitira lamang ay 520 milyong piso na kulang pa para "sana" sa isang konkretong flood control sa Bocboc sa bayan ng Mogpog na siyang pinaka-apektadong barangay ng dahil sa iresponsableng pagmimina. 
Kaya po ba ng pamahalaang panlalawigan na panagutan ang mga paghahabol at singil ng mga apektadong mamamayan kung sakaling madismiss ang mga kaso? Ang mga Marinduqueno po ang matagal na biktima, bakit kailangang tayo pa ang magbulaan sa mga pinsalang idinulot ng pagmimina? Buhay na buhay at kitang-kita pa po ang mga ebidensya at katunayan ay patuloy pa itong nararanasan ng mga mamamayan, bakit hindi natin ito patuloy na ipaglaban. Huwag naman sanang mismong ang pamahalaan ang maging dahilan upang maabsuwelto at tuluyan ng mawalan ng karapatang maghabol sa mga kumpanyang ito na matagal na nagpasasa sa yamang mineral ng ating lalawigan kapalit ng pagkawasak at pagkalason ng kalikasan.
Kung ating tatanggapin ang alok na ito ng Barrick ay para na din nating sinabi na hahayaan na lamang ng tuluyan ang wasak na kapaligiran at maulit muli ang mga trahedya dahil sa matagal na panahong walang aksyon sa mga abandonadong dam at mga open pit na ayon mismo sa Marcopper ay nanganganib na bumigay o mawasak. Paulit-ulit na ang paghingi ng tulong sa DENR at sa pamahalaang nasyunal upang aksyunan ang panganib na ito subalit para kaming naghihintay ng isang delubyo lalo na at ang lalawigan ay number one sa peligro ng landslide at madalas ngayong makaranas ng sunod-sunod na paglindol. 
Daing ng mga mamamayan, "mawala man lamang ang kanilang takot sa pagkagiba ng mga nasabing estruktura na magdudulot ng malaking pagbaha ay malaking bagay na". Harinawa po ay isaalang-alang at maging matalino ang mga magdedesisyon lalo na ang pamahalaang panlalawigan sapagkat ito ay napakaselang usapin na ang nakataya ay ang kalikasan at buhay ng mga Marinduqueno at ng marami pang lalawigang apektado ng pagmimina sa ating bansa hindi lamang sa ngayon kundi maging ang mga susunod pang henerasyon. 
(Beth Manggol, MaCEC Executive Secretary). 
Marinduque Council for Environmental Concerns, Inc.
Second Floor, Sacred Heart Diocesan Pastoral Center
Cathedral Compound, Boac, 4900 Marinduque, Philippines