BOAC, Marinduque – Ang ibinoto mo bang bokal ay tapat sa taumbayan o tapat lamang sa partidong kanyang kinabibilangan?
Maiinit ang usapin ngayon sa paglilipat ng kaso ng Marcopper sa bansang Canada at kung sino ang law firm na siyang hahawak dito. Matatandaan na noong Hulyo 2014 ay naglabas ng *labintatlong (13) pahinang ‘ruling’ ang United State high court na sumasang-ayon sa naunang desisyon ng Nevada district court na hindi ang Estados Unidos ang nararapat na hudikatura para maglitis ng isinampang kaso ng Marinduque laban sa Placer Dome, Inc. – Barrick Gold. Ang nararapat na korte ay sa Pilipinas, kung saan nangyari ang kalunus-lunos na trahedya na tinaguring ‘worst environmental disaster in Philippine mining history’ o di kaya ay sa Canada, kung saan ito ang bansa na nakasasakop sa Placer Dome, Inc. – Barrick Gold.
Sa paglilipat ng kaso mula Amerika patungong Canada, maraming usapin ang kailangang ikonsidera.
Malaki ang papel na ginagampanan ng sangguniaang panlalawigan na pinamumunuan ng bise-gobernador na siyang tumatayong presiding officer at mga bokal na siyang kumakatawan sa mga mamamayan at ‘deciding body’ ng lalawigan.
Nitong umaga ng Martes, Oktubre 25 ay nagkaroon ng En Banc Committee Hearing ang sangguniang panlalawigan ng Marinduque. Naimbitahan dito ang iba’t ibang organisasyon upang magbahagi ng kanilang mga posisyon hinggil sa kasalukuyang usapin ng Marcopper. Ilan sa mga nagbigay ng pahayag ay ang obispo ng lalawigan na si Bishop Marcelino Maralit, Jr., at ang chairperson ng Marinduque Council for Environmental Concerns (MACEC) – Mining & Environment Committee na si Adeline Angeles. Masaya, payapa, at panatag na nagsiuwian ang mga dumalo sa En Banc Committee Hearing.
Subalit noong hapon ng araw ding iyon ay nagsagawa ng ‘special session’ ang sangguniang panlalawigan upang talakayin ang kahilingan ni Gov. Carmencita Reyes na bigyan siya ng authority upang pirmahan ang mga kontrata na direktang nag-aatas sa Diamond McCarthy LLP (DM) na siyang maging ‘global lead counsel’ ng lalawigan, gayundin ang Canadian law firm na Lax O’Sullivan Lisus Gottieb (LOLG) bilang ‘local counsel’ naman at ang Parabellum Capital LLC na isang Canadian financing company na siyang magpapautang sa lalawigan upang may pondo itong magamit sa litigation processing at services – ang utang na ito ay kailangang bayaran manalo o matalo man ang Marinduque sa kaso.
Ang pagbibigay ng otoridad ng mga miyembro ng sangguniang panlalawigan sa gobernadora ay pwedeng maging madali o mahirap na desisyon depende sa paninindigan, interes at partidong pinapanigan ng isang board member.
At nagkaroon nga ng eleksyon ng hapong iyon.
Ang mga pumayag na bigyan ng authority ang gobernadora ay sina bokal Juan Fernandez, Jr., Allan Nepumoceno, Mark Anthony Seño at Harold Red.
Ang mga hindi pumabor sa kahilingan ng gobernador ay sina Bokal Amelia Aguirre, Gilbert Daquioag, Primo Pamintuan, John Pelaez at Reynaldo Salvacion.
Samantala nag-abstain naman si bokal Theresa Caballes.
Samakatuwid, 5 ang No, 4 ang Yes at 1 ang Abstain. Salamat po Panginoon, hindi nagwagi ang may masamang hangarin sa puntong iyon.
Maraming salamat sa limang bokal na mas inuuna ang kapakanan ng lalawigang kanilang pinaglilingkuran.
Maraming salamat sa limang bokal na pinapahalagahan ang pagtitiwala sa kanila ng taumbayan.
Maraming salamat sa limang bokal na hindi tumitingin sa kulay ng pulitika na kanilang kinabibilangan.
Maraming salamat sa limang bokal na hindi natatakot na ipaglaban ang katotohanan.
Ika ngani ng chairperson ng Macec Provincial Executive Council na si Fr. Arvin Anthony Madla sa kanyang post sa Facebook “Maraming salamat sa limang bokal, sa inyong magiting na paninindigan na maging tunay na boses ng ating mga kababayang Marinduqueno na maisulong ang kaso ayon sa mas paborableng kasunduan at pagdedesisyong tunay na napaglimian at hindi base sa dikta lamang ng kung sinuman".
Mahigpit nating tinututulan ang pagbibigay ng authority sa gobernadora na manghimasok sa kasunduan sapagkat ang hangad natin ay magkaroon ng patas at sapat na hustisya ang lalawigang malaon ng nililinlang.
Ayon mismo kay Bishop Marcelino Maralit, Jr., “Clearly, the immediate signing of said proposal agreement, if ever it becomes your choice, without the necessary changes in favor of the province would be very disadvantageous to the province.”
Kaya naman, para sa limang bokal, nawa ay hindi magbago ang inyong posisyon na huwag bigyan ng otoridad ang hirap nang makatayong nanay ng lalawigan.
Dalangin namin na madagdagan pa ang inyong bilang.