Talaga yatang may mga taong ang papel sa mundo ay lokohin, linlangin at gaguhin ang Marinduqueno sa ngalan ng nakalalasong salapi mula sa nakalalasong mina.
Ilang taon nang linlangan mandin ang naganap sa Kapitolyo ng Marinduque. Lalo na sa usaping class suit ng Marinduque laban sa Barrick Gold.
Subalit dahil hindi rin lubusang naiitago ang maiitim na balakin ng mga Hudas sa Bayan, nag-alsa makailang ulit na ang mga mamamayan para iparating sa mga tila binging kinauukulan ang kanilang pagtutol sa mga panghuhudas na ito.
Pero ganun yata talaga ang istratehiya ng mga tuso, lalo na ng mga kaukulang abogado. Matapos ang kaguluhan, quiet muna, maghihintay sila ng kaunting panahon, at biglang bibirada at aatake na naman kapag hindi nakahanda ang kanilang binibiktima. May karay-karay na mga panggulat pa.
Rally noon laban sa kasunduang hindi masikmura ng bayan. |
Sa Kapitolyo ng Marinduque, ilang ulit ng basta papasok na lamang bigla itong kanong abogadong Skip Scott, animo'y isa siyang Bokal. Siya na makailang ulit nang binatikos ng mga mamamayan ng Marinduque sa mga consultative meetings dahil sa kanya diumanong pambu-bully sa mga Marinduqueno, maging opisyal o ordinaryong mamamayan, tuwing may magaganap na pag-uusap noon.
Inaabuso lamang niya malamang ang mahinang pagpapatupad ng protocol sa pangyayari ngayon at basta na lamang siya papasok para igiit pa rin ang kanyang pakay, utos ng reyna, kahit pa salungat ito sa mga napagkasunduan nang tamang proseso sa pakikipagusap sa MACEC, Diocese ng Boac at mga LGUs.
Sinasabing ang ibig lamang ngayong mangyari ni Mr. Scott at mga abogadong kano ng Diamond McCarthy (DM) ay isampa ang kaso sa Canada para masimulan kaagad ang panibagong cash-sunduan na pilit isasalaksak na naman sa ngala-ngala ng Marinduqueno. Gamit ang dati nang mga maruruming taktika na inuulit lamang nila ngayon.
Meaning, tila walang seryosong balak sa paglilitis ng Environmental Justice na matagal ng Sigaw sa Marinduque. Tipong basta aregluhan kaagad.
Kayat guyod na ang mga abogado na magpapasasa dito. Tulad rin ng sinubukan nila noon na matinding isinuka naman ng mga tao dahil sila pala ang magkakamal ng salapi.
Malalaman sa ibaba ang kagulat-gulat na bagong paglalantad.
Bago iyon, mga fresh na panlilinlang muna.
Ayon sa impormasyon, may karay-karay na abogado si Scott noong nakaraang Biyernes, mula diumano sa MGB-MIMAROPA para ipaabot sa SP na suportado diumano ni DENR Secretary-designate Gina Lopez ang ibig mangyari ni Scott.
Ilang beses na nating nakita ang ganitong style noon sa session hall. Karay-karay ang ibang abogado para magsinungaling ng harap-harapan sa taumbayan. Parang 'patotoo' sa mga dasalan kumbaga.
Hindi pa magkasya sa panlilinlang ay masdan mo ngayon ang sumusunod na kopya ng pahayag mula sa diumano'y Reyes-sponsored website, Balitang Marinduque (na sa FB ay may titulong Marinduque Usapang Pulitika). Doon din mababasa ang mga pambabatikos sa mga hindi kaalyado ni Reyes.
Tungkol kay Gina Lopez, ganito ang nakalagay.
Tila mapangahas na pag-gamit kay Sec. Gina Lopez ng mga Hudas sa Bayan. 'Ayon mismo kay Secretary Gina Lopez' daw? Kailan, saan at bakit?
Ano ba ang Lax O'Sullivan Scott Lisus Gottlieb LLP?
Ang Canadian law firm na ito ay makailang-ulit na nag-abogado na para sa Barrick Gold noong nakaraan. Basahin ang excerpt na ito mula sa artikulong lumabas sa InvestorVoice Canada (2008) bilang pruweba:
"According to people familiar with the discussions, Barrick's team, led by Lax O'Sullivan Scott LLP partner Terry O'Sullivan, has demanded full repayment for Barrick, but the bank has so far refused to yield." - InvestorVoice, May 6, 2008
"... sometimes (oftentimes?) successful litigator Terry O'Sullivan of Lax O'Sullivan has signed on once again... after his firm's efforts won the only real reprieve for big corporate investors, in his case Barrick Gold..." - galing naman sa National Post, February 18, 2009
Naging mga abogado ng Barrick Gold ang Lax O'Sullivan Scott* Lisus Gottlieb LLP at naipanalo nila ang kaukulang kaso. Ngayon nama'y gustong gawing mga abogado ng Marinduque para idemanda ang Barrick Gold na kanilang kliyente? Tila may masasagap kang masangsang na amoy dito. Dahil may conflict of interest. Mukhang aregluhan kaagad ang pakay, para makalikom kaagad ng pera nang bayad kaagad ang multiple layers ng mga abogado.
At si Gina Lopez, Kampeon ng Kalikasan, ay gusto kaya ng masangsang na amoy na ganito?
Ayan po, lumabas na! Basta tahimik, at biglang atake, kailangang busisiin naman natin. Lalo na sa isang bagay na may kinalaman sa Marcopper. Isang may napakahabang kasaysayan na ng mahahalagang impormasyon na hindi ipinapaalam sa publiko kaya nagkaroon na yata ng reputasyon bilang nasa pedestal na ng panlilinlang sa mundo.
Huwag po nating kalimutan na sa pagsubok na namang ito, ang mga Marinduqueno ay tinutulak para lunukin ang isang napaka-magastos na offer ng legal services mula sa mga abogadong Amerikano, samantalang ang kaso ay dapat isampa sa Canada.
Ang mga abogadong ito ay nag-aksaya lamang ng higit 10 taon para dinggin ang kaso sa Amerika, na sa huli ay ibinasura lamang ng Korte dahil sa mali palang jurisdiction, hindi nila nakita sa simula pa lamang. Sila at walang iba ang humingi ng lahat ng postponements sa paglilitis.
Ang mga abogado ring ito ang nasa likod ng hindi matanggap na settlement-kasunduan na ibinasura ng sambayanan.
TIWALA? O TIWALI?
Lumalabas na ibig ng mga natalong abogado na sila ang muling magsampa ng kaso sa Canada. Lumilitaw pa rin na ang pinakang pakay ay makipag-areglohan lamang muli sa lalong madaling panahon - para mabayaran naman sila at ang iba pang kasamahan nila sa kanilang naging serbisyo at partisipasyon sa dating kasong naibasura.
Taliwas ito sa pinaniwala sa mga Marinduqueno na 'on contingency' ang kanilang serbisyo na kapag natalo, walang bayad, kapag may nakuhang recovery, kahati sila. Hanggang naibasura na nga ang kaso sa US at walang nakuhang recovery.
Maigi na lamang at may MACEC, ilang mga responsable at may prinsipyong mga opisyal ng lokal na pamahalaan at Simbahang Katoliko sa Marinduque na nasa pamamahala ng isang Obispong ang kabutihan ng kanyang mga nasasakupan ang inuuna. Hindi tulad ng iba.
TIWALA? O TIWALI?
Lumalabas na ibig ng mga natalong abogado na sila ang muling magsampa ng kaso sa Canada. Lumilitaw pa rin na ang pinakang pakay ay makipag-areglohan lamang muli sa lalong madaling panahon - para mabayaran naman sila at ang iba pang kasamahan nila sa kanilang naging serbisyo at partisipasyon sa dating kasong naibasura.
Taliwas ito sa pinaniwala sa mga Marinduqueno na 'on contingency' ang kanilang serbisyo na kapag natalo, walang bayad, kapag may nakuhang recovery, kahati sila. Hanggang naibasura na nga ang kaso sa US at walang nakuhang recovery.
Maigi na lamang at may MACEC, ilang mga responsable at may prinsipyong mga opisyal ng lokal na pamahalaan at Simbahang Katoliko sa Marinduque na nasa pamamahala ng isang Obispong ang kabutihan ng kanyang mga nasasakupan ang inuuna. Hindi tulad ng iba.