Tuesday, May 2, 2017

Huntahan sa Yellow Moon, lindol atbp


Ang haba ng usapan namin kagabi ng isa ko'ng kaibigan tungkol sa naging kulay ng buwan. Dilaw, o Yellow Moon. Kinukumpara niya sa araw na yellow, aniya. Ang hirap dito, marami rin ang nagsasabi na hindi na raw dilaw ang kulay ng araw ngayon kundi puti na.

Ang sabi naman sa ilang scientific posts, ang buwan ay nagiging kulay dilaw o orange dahil sa pangyayaring sa pagitan ng nag-oobserba at ng buwan ay may mga layers ng atmosphere. Ang araw daw ay nagiging kulay orange o pula naman sa abot-tanaw o horizon dahil din dito. Kapag ang buwan ay palubog na, ang liwanag mula dito ay dumadaan naman sa atmosphere na nag-aabsorb ng blue color. Kapag nangyari ito, ang orange o pulang liwanag ay hindi naman na-aabsorb kaya iyon ang nakikita.

Kasabay ng kulay dilaw, may optical illusion din na nagaganap pala na kung saan nagmumukhang mas malaki ang buwan o tila mas malapit ang buwan, Ang tawag daw doon ay moon illusion. Pero hindi ito katulad ng supermoon, na kung saan ang buwan ay totoong mas malapit sa ating planeta.


Kasabay ng yellow moon ang pagdiriwang naman ng mga alitaptap sa mga talisay trees, pag-iingay ng mga tuko, pagsulpot ng mga dinoflaggelates sa tubig-dagat malapit sa dalampasigan na kamangha-mangha ang ginagawang pagpatay-sindi sa kanilang liwanag, pagsama sa hangin ng napakabangong amoy ng di-matukoy na mga bulaklak, at pagdaan ng mga di matukoy na malalaking ibon.

"Parang nakakakilabot!", sabi ng kaibigan ko.

"Ang ganda nga eh!", sabi naman ng katabi niya na nakikinig lamang.

"Hindi kaya signos 'yan na lilindol?", dagdag ng kaibigan ko.

Pagdating ng umaga, may ulat tungkol sa magkakasunod na mega-quakes na naganap sa isang panig ng Ring of Fire na napakalayo naman sa Pilipinas kung tutuusin. Nagkataon lamang tiyak.

Pero ang huntahang ito marahil tungkol sa mga nakikita at naririnig na mga kaganapan sa kapaligiran ay tila magandang kahalili naman ng di-mapuknat na usapan tungkol sa ibang mga bagay-bagay na pulos gawa-gawa ng tao.