Sunday, July 23, 2017

Matinding record baya: Sea of Marinduque bilang Graveyard of Spanish galleons, Chinese junks, Japanese warships, and Philippine passenger vessels

May kinalaman kaya ang alinman sa mga artefacts tulad ng mga angkla ng barko na diumano ay narecover sa ilang bayan ng Marinduque?

Lumulubog na galleon
Alam ng mga historians, mag-aaral at mga mananaliksik na ang kasaysayan ay patuloy na nababago at itinutuwid. Ito ay depende na lamang sa mga bagong impormasyon, sources o mapagkakatiwalaang mga ebidensya na wala pa sa panahong sinusulat pa lamang ang mga istorya.

Sa kabuuhan, paglitaw lamang ng katotohanan ang pakay ng mga sumulat. Bagamat may mga pagkakataon na tila sila rin ang sadyang naglilihis ng kanilang salaysay sa ano pa mang mga kadahilanan, responsibilidad naman ng mga mapanuring bumabasa na patunayan, ituwid o pabulaanan kung kinakailangan, ang mga ito - ayon nga sa paglitaw ng mga bagong impormasyon at pananaliksik.

Malimit idikit dito ang mga salitang 'the truth shall set you free' - ang katotohanan na magpapalaya sa mga inaalipin at sa kamangmangan.

Maraming taon na ang nakalipas, naisulat ko kung papaanong ang islang-lalawigang ng Marinduque ay maituturing na 'angat sa iba'. Angat siya sa larangan ng kultura, kasaysayan at mga likas yaman kung pakaiisipin. Subalit sa naitala nang kasaysayan ay may isa pa palang dagdag na mapagkikilanlan at handang magdulot ng bagong kulay, liwanag at ningning sa imahen ng Marinduque.

Bilang isa sa pinakamaliit na lalawigan sa Pilipinas, wala tayong panama sa halos wala namang katapusang lawak ng karagatan sa Caribbean Sea, o Black Sea o sa baybayin ng Britania kung bibilangin mo ang mga barkong nalibing doon sa ilalim ng dagat. 

Pero hindi kapalaluan na sabihing sa makipot na Karagatan ng Marinduque naman nakahimlay ang pinakamaraming bilang ng mga barkong kinapos-palad na lumubog dito, kung teritoryo ng Pilipinas ang pag-uusapan. 


Karagatan ng Marinduque.
Ang islang-lalawigan ng Marinduque ay may sukat na 95,925 hectares lamang, kayat napakalimitado talaga ang karagatang nakapaligid dito.

Ayon sa tala ang malaking bilang naman ng mga lumubog na barkong nabanggit ay dala ng malalakas na bagyo. Ang ilan ay dahil sa labanan sa dagat.

Mula nang 'madiskubre' ng mga Kastila ang mga isla sa Filipinas hanggang sa kasalukuyan, ang pinagsamang bilang ng mga Chinese junks, Spanish galleons, Japanese war ships at Philippine passenger vessels na lumubog sa nasabing dagat ng Marinduque ay hindi kakayaning malampasan - ng alin pa mang lalawigang napapalibutan ng dagat. 



Unang Spanish Galleon na lumubog

Ano ang unang galleon na lumubog kaya sa Pilipinas? May nahalukay akong maikling pangungusap sa The Selga Chronology tungkol sa isang bagyo noong 1589, na sumira daw sa maraming Spanish at Chinese vessels sa Manila Bay. Walang mga pangalan. Nangyari ito isang taon bago maganap ang unang kaso ng isang galleon na sumadsad sa Marinduque. 

Sa kakaunting listahan na matatagpuan mo sa Internet (tulad ng UlongBeach.com at iba pa) isang barkong "San Felipe" ang tinutukoy na sinamang-palad. Ang nakasaad ay ganito:


1590 San Felipe, Between March and June
The San Felipe sailed from Acapulco, Mexico to Manila, but was shipwrecked off the coast of Marinduque during typhoon. The Ship's crew survived the wreckage with the cargo and silver where (sic) were valued at 500,000 pesos. Her cargo partly recovered. She grounded on a reef near the shore.

Old map of galleon route

Hindi nabanggit sa nasabing website ang source maliban sa katagang "various sources" kayat sinubukan kong hanapin ang pinanggalingan ng impormasyon. Lumalabas na tila ang naging source ay ang The Manila-Acapulco Galleons: The Treasure Ships of the Pacific ni Shirley Fish. Para sa ilan, maituturing ang nasabing aklat bilang pinakamahalaga o isa sa pinakamahalaga at pinaka-komprehensibong pananalisik at literatura na naisulat na sa paksang ito.
Cover ng aklat ni Shirley Rice

Sa page 518 ng panulat ni Fish ay may ganitong nakalagay, at maaring may iba pa siyang source (base sa snippet na available sa Internet na makikita sa ibaba):
"1590 San Felipe - The ship sailed from Acapulco to Manila, but was shipwrecked off the coast of the island of Marinduque in the Philippines... ship's crew survived the wreckage with the cargo and silver which were valued at 500,000 pesos."

Totoo kaya?

Ito ang kawili-wiling bahagi, dahil ano naman ang nalaman ko?
Ang masasabi ko po, sa panig ng mga sumulat, kasama na ang mabusisi at batikang si Fish, at Internet sources, ay walang dudang nagkaroon ng kalituhan sa kanila nang pangalanan na ang lumubog na galleon noong 1590 sa Karagatan ng Marinduque, sa pagitan ng Marso at Hunyo, ay ang San Felipe.

Patutunayan ng sumusunod na salaysay na ang San Felipe ay ginagawa pa lamang sa Iloilo (Panay) noong taong 1590. Ito ay sa superbisyon ng isang Don Juan Ronquillo. Ang nasabing galleon ay natapos at nakarating sa Cavite, pangunahing shipyard ng mga Kastila noong May 28, 1591, kayat maaari pa lamang itong lumarga sa unang biyahe niya sa Acapulco ng June 4, 1591, "o isang taon pagkarating ng bagong governador".

Sinong governador?


Governador Gomez Perez Dasmarinas

Si Gomez Perez Dasmarinas, bilang ika-pitong governador ng Filipinas ang nagsilbi mula June 1, 1590 - October 25, 1593.(3 taon lamang ang itinagal dahil siya ay nasawi).

Pagkarating ni Dasmarinas sa port ng Cavite lulan ng Santiago ay kaagad siyang nagtungo sa Maynila para simulan na ang kanyang tungkulin nang sumunod na araw, June 1, 1590.

May mahalagang detalye tungkol sa mga barkong ginamit ni Dasmarinas mula Acapulco papuntang Manila. Sa Acapulco ay may isa pang mas maliit na barko, ang San Ildefonso, na 80 toneladas lamang at kararating pa lamang mula sa Peru. Pinadiskarga ni Dasmarinas ang laman nitong mga kargamentong cacao at pilak, at pinapuno niya ito ng mga kinakailangan nilang mga kagamitan para sa biyahe nila sa Pilipinas.

Ilan sa lulan ng Santiago, ang pangunahin nilang barko (capitana ang tawag bilang flagship), na umalis sa Acapulco noong March 1, 1590, maliban kay Gomez Perez Dasmarinas at ang kanyang anak na si Luis Perez Dasmarinas (na naging governador din), ang mga sumusunod: ang kanyang pamangkin, si Lope de Andrada, Captain at Sergeant-Major Juan Juarez Gallinato, Captains Hernando Becerra Montano at Gregorio Cubillo, Licenciado Armida (judge-advocate for war), Juan Villegas, ang Captain of Infantry, Diego Jordan, kasama ang alferez (lieutenant) at sergeants ng kanyang military units, maraming mga sundalo, ibang mga pasahero, at 17 Augustinian friars.

Sakay naman ng San Ildefonso (ang almiranta, o escort ship), ang kanya pang pamangkin, Fernando de Castro, Captains Francisco Pacheco at Francisco de Mendoza na may kasamang 90 mga sundalo, 6 na Augustinian friars at ang dalawang Jesuits. Isa rito si Pedro Chirino. Si Chirino na may mahalagang papel na ginampanan sa maraming taon niyang pamamalagi sa Pilipinas. 

Father Pedro Chirino

Mismong si Chirino nga ito - ang misyonaryong Hesuita at historian sa Pilipinas na nakilala bilang sumulat ng Relacion de las Islas Filipinas (1604).

Tatlong buwang bumiyahe ang dalawang barko patawid ng Pacific Ocean, subalit matapos makapasok sa arkipelago ng Pilipinas sa mapanganib na Embocadero (San Bernardino Strait), ay nagkahiwalay ang dalawa dala ng isang malakas na bagyo.

Dumating ang Santiago sa isla ng Capul*Mayo 24, 1590. Pinauna na ni Dasmarinas ang kanyang sekretaryo, Juan de Cuellar, papuntang Manila para ma-abisuhan ang mga kinauukulan tungkol sa kanyang pagdating.

Nabahala siya tungkol sa pagkabalam ng almiranta kayat nagpalipas muna ng isang araw para maghintay. Nang walang senyales, nagpasya na siyang tumuloy na pa-Manila.

Astillero (shipyard) sa Cavite

Alas tres ng hapon siya dumating sa Cavite, Mayo 31. Ang nangyari pala ay nakarating din ang almiranta sa Capul. Ayon sa panulat ni Chirino na naging lulan nga ng almiranta ay nasira ang palo (mast) ng barko subalit nakarating ito sa Marinduque na kung saan nakababa ng maayos ang mga pasahero. 

Ibig sabihin nito, nabalam ang pagdating nina Chirino at mga kasama at nakarating lamang sila ng June 20. Dalawamput-dalawang araw ang lumipas bago pa nalaman ni Dasmarinas ang pangyayari.

Hindi kalaunan pagkarating niya noon sa Manila, inutusan ni Dasmarinas ang lanyang pinsan, Lope de Andrade na bumalik sa Cavite para tiyakin na ang mga barko ay handa nang bumalik. Noong June 26, 1590 naroon na si Dasmarinas para makapagpaalam sa mga maglalakbay. Habang naroon naman siya, dumating ng June 20 ang natitira pang mga pasahero na naging kasabay niya mula Acapulco na sumakay sa almiranta.

Ibinahagi nila sa governador ang nangyari sa kanila sa Marinduque. Wala namang detalyeng nabanggit kung ano pa ang kanilang isinalaysay sa governador.




Pagkabalik ni Dasmarinas sa Manila, inutusan niya ang pilot, Juan Gomez kasama ang ilang marinero para magtungo sa bayan ng Arevalo sa isla ng Panay. Doon nga kasalukuyang ginagawa pa lamang ang galleon na may pangalang San Felipe. Nasa isip ng governador na higit na marami pang galleon ang kailangan sa bagong colony. 

Pag-iisip na sa isa mga susunod na yugto ng salaysay na ito ay lilitaw naman kung paano pang lumalim ang papel ng Marinduque sa laro nilang mga dayuhang sumakop sa Las Islas Filipinas.

Manila-Acapulco Galleon trade route

Samakatuwid, base sa salaysay na ito, walang kaduda-duda na ang almirantang SAN ILDEFONSO ang napadpad sa Marinduque, hindi ang San Felipe.

E ano ngayon?

Una pa lamang ang kabanatang ito sa may kahabaang listahan ng mga barkong nalibing sa puso ng Pilipinas. May kahabaan ang kuwento sa itaas pero dapat lamang maituwid ang mga dati nang naisulat tungkol dito. Tuloy, baka sakali lamang na may makaisip ding magtanong: 

Ano pa ang nangyari sa San Ildefonso at saan eksaktong lugar kaya sa baybayin ng Marinduque ito napadpad? 

Ang alinman sa mga sinaunang angkla ng barko na natagpuan diumano sa mga bayan ng Torrijos (noong 1970s) at kamakailan sa Boac ay may kinalaman kaya dito? 

Ano ang nangyari sa mga angkla na huling nabalitaang nasa pangangalaga ng mga kinauukulan? 

Anong artefacts pa kaya na may kinalaman sa galleons ang narecover sa ibat-ibang panahon kung meron man?

Makatulong kaya ang salaysay na ito sa pagpapalaganap ng interes sa bahaging iyon ng lokal na kasaysayan natin?

Hanggang sa susunod na kabanata. (Itutuloy)



The Dasmarinases: The Early Governors of the Spanish Philippines
by John Newsome Crossley. 
Pinakamahalagang source sa usapin ng kung ano talaga ang pangalan ng almiranta na sumadsad sa baybayin ng Marinduque. 


Sources:

The Dasmarinases: The Early Governors of the Spanish Philippines by John Newsome Crossley;
The Manila-Acapulco Galleons: Treasure Ships of the Pacific by Shirley Rice;
UlongBeach.com (Mahalagang source sa mga makaykasayang bagay tungkol sa Marinduque)
TSEATC.com

Related readings:

Ship's story revealed in 435-year-old wreckage, C.Nolte, SFGate, 8.23.11  (Para sa tunay na nangyari sa San Felipe. Maaring kwestyonable dito ang nabanggit nilang taon sapagkat dokumentado rin naman ang paglubog ng San Felipe. Ngunit naroon pa rin ang posibilidad na ang barko ay kapangalan din lamang ng San Felipeng natapos gawin noong 1591 at pinag-uusapan dito).
40,000 shipwrecks waiting to be found off British coast, S. Knapton, TheTelegraph,8.15.16 (Para malaman ang pagpapahalaga at ginagawa ng mga awtoridad sa ibang bansa sa ganitong mga bagay);
Caribbean Shipwrecks, PirateShipWrecks;
Explorers accidentally find 41 shipwrecks thousands of years old in Black Sea, Tembury-Dennis, Independent, 10.25.16.

*Capul Island  with a lighthouse built on the island, served as guidepost for the Acapulco-Manila galleon trade vessels passing through the Embocadero (San Bernardino Strait). Capital of Samar from 1848 to 1852).  Capul came from the word Acapulco.