Tuesday, June 19, 2018

Lihim na pagkikita ni Gat Jose Rizal at ng isang Marindukenyong cabin boy


Naging papel ng Marinduque cabin boy sa pamamahagi ng mga aklat ni Rizal sa Pilipinas

 May hindi gaanong nalalaman na kaganapan tungkol sa lihim na gawain ni Rizal at ng isang batang katutubong Marinduque na nakilala ng pambansang bayani ng mga panahong iyon.

Ang aklat ni Dr. Augusto V. de Viana, "The I Stories", (sumulat na rin siya ng ilang mga libro tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas), ay isang kompilasyon ng mga karanasan ng mga naging saksi sa mahahalagang pangyayari sa kasaysayan. Isa na ang kwento na nagmula kay Perfecto Rufino Riego ng Sta. Cruz, Marinduque.

Ang mga interbyu sa The I Stories ay orihinal na inilathala sa The Manila Times at sa Philippines Free Press mula 1920 hanggang 1950s.



Isa sa mga kwento dito ang tungkol sa mga pagsisikap ni Rizal na protektahan ang kanyang mga libro na "Noli Me Tangere" at "El Filibusterismo" sa pamamagitan ng mga patotoo ng isang kamag-anak ng pamilya ng bayani, si Dr. Jose Francisco, at ng isang dating cabin boy na si PERFECTO RUFINO RIEGO.

Si Perfecto Rufino Riego ay isang tubong Sta. Cruz, Marinduque. Ang mga detalye ng unang pagpupulong ni Riego kay Rizal ay ibinahagi ni de Viana noong nagkaroon ng pangkasaysayang komperensiya tungkol sa Marinduque. Ginanap ito sa bayan ng Mogpog noong 2008, at sinimulan ng blogger na ito.


Larawang kuha sa National Conference on Marinduque, 2008

Ayon kay de Viana, sa bahay ng ama ni Francisco, si Don Higino, naganap ang mga lihim na pagpupulong kasama si Rizal at ang ilang mga pinuno ng kilusang kalayaan. Kabilang dito ang pag-iingat sa orihinal na manuskrito ng Noli.

Nangyari naman na si Riego, ay nagtatrabaho bilang isang cabin boy ng barko na nagbibiyahe mula HongKong at Manila. Si Riego ang naatasan ni Rizal matapos nilang magkakilala sa barko sa pagpupuslit ng mga kopya ng Noli at Fili sa Pilipinas mula sa Hong Kong. 

Ang mga kopya ng mga aklat ay naipadala muna lulan ng barkong "Don Juan" mula sa Alemanya kung saan ito nai-publish. Sa pagbabalik ni Riego sa Maynila ay nagkaroon din siya ng papel sa pamamahagi naman ng mga libro sa mga lumang lungsod ng Manila gamit naman ang isang caleza.

Ito ring si Riego, ayon sa panulat ni de Viana, ang batang Riego na tumulong sa isa nating bayani na si Graciano Lopez Jaena. Ito naman ay tungkol sa pagtakas ni Lopez Jaena sa mga awtoridad ng Espanya nang bumisita siya sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagbabalatkayo niya (disguise) sa kanyang sarili bilang isang "apprentice" ni Riego mula Manila papuntang Hong Kong para sa kanyang pagbabalik sa Espanya para sa pagpapatuloy ng Propaganda Movement.

Sa kanyang mga takip-silim na taon naibahagi Riego kay De Viana ang kanyang kwento na may mga kagiliw-giliw na mga detalye tungkol sa kanyang nakatagpong pambansang bayani.

Trivia: Rare wood carving ni Dr. Jose Rizal na para sa ilang eksperto ay masasabing kanyang self-portrait. Mula sa FB Post ni Eliseo Silva



Sa 'Revolutionary Spirit: Jose Rizal in Southeast Asia' by John Nery (Iseas Publishing, Singapore 2011), mababasa naman natin ang sumusunod:

"A feature in the Philippines Free Press of 25 December 1948 tells the story of how Rizal recruited Perfecto Rufino Riego, a cabin boy on a ship that plied the Manila-Hong Kong run, to help smuggle in buri sacks full of copies of the Noli. Augusto de Viana's The I-Stories, a helpful compendium of "alternative" eyewitness accounts of the Revolution and the Philippine-American War, recounts the interesting details. There are some inconsistencies in Riego's account (by the time the story came out he was already in his eighties), but the basic facts seem authentic".