Monday, November 26, 2018

Trivia: 'Mao-li-wu' ang Marinduque ayon sa Tsina taong 1405

Kinilala at kaibigan na ng China ang Marinduque na tinawag nilang Mao-li-wu noong 1405, higit sandaang taon bago pa dumating ang mga Kastila.

Nilusob at sinakop ng mga Kastila, Amerikano at Hapon ang Pilipinas at minasaker ang maraming Filipino, ang Tsina ay hindi nanglusob at nanakop.

Mas matutugunan na ang mga tanong tungkol sa Ming dynasty treasures na nahukay at nasisid sa Marinduque



"Bakit ang pagiging malapit sa China?"(“Why the closeness to China?”), tanong ng pinatalsik na Chief Justice Maria Lourdes Sereno kay Pangulong Rodrigo Duterte noong bumisita ang Presidente ng China sa Pilipinas. Hindi raw dapat?

Kaya dapat lamang marahil na ipaalaala sa kanila na bago pa sakupin ng mga Kastila ang Pilipinas, bago pa sinakop ng mga Amerikano ang Pilipinas, at bago pa nilusob ng mga Hapon ang bansang Pilipinas, na pawang yumurak sa dignidad ng mga Pilipino sa kani-kanilang sariling pamamaraan, ay dating kaibigan na ng Pilipinas ang Tsina. 

Ang Tsina na kailanman ay hindi naisipang lusubin at sakupin ang ating bansa at bagkos ay makipagkaibigan at magtatatag lamang ng mabuting relasyon.

Presidente ng China Xi Jinping at Presidente ng Pilipinas Rodrigo Roa Duterte sa pagbisita ni Xi sa Pilipinas kamakailan

Una nang makipag-ugnayan sa Pilipinas ang Tsina bago pa dumating silang maraming mga mananakop; papel ng Marinduque



Sa mga Chinese records, ang kinikilalang pinaka-unang naitalang pakikipag-ugnayan ng China sa Pilipinas ay noong Song dynasty (971 o 972). At ito ay ang pakikipag-ugnayan nila sa Ma-i (Mindoro), na kung saan pagdating ng 982 ay dala ng mga mangangalakal mula sa Ma-i ang kanilang mga produkto papuntang Guangzhou (Canton).

Pagdating ng 1206 nakipagkalakalan na ang China sa Mindoro, Palawan at Basilan at lumawak na ito kasama ang Babuyanes, Lingayen, Luzon, Manila at Lubang Island.

Kapagdaka, ang mga emperador ng Ming at Ching dynasties ay nag-imbita na makipagkalakalan na rin sa kanila ang iba pang mga isla.

MAO-LI-WU ang MARINDUQUE

Doon na umentrada ang munting isla ng MARINDUQUE. Kilala ang Marinduque sa Tsina sa tawag nilang MAO-LI-WU.

Noong Oktubre 17, 1405 ang mga kinatawan ng Lu-sung (Luzon) at Mao-li-wu (Marinduque), kasama ang embahador mula sa Java ay nagpunta para sa isang tribute mission sa China.

May naitala pa rin tungkol sa mga pirata mula sa Wang-chin-chiao-lao (Maguindanao) at ang pag-atakeng ginawa ng mga pirata sa Mao-li-wu. 

May naitalang isang hari* mula sa Mao-li-wu subalit hindi nabanggit ang kanyang pangalan. Ang nakatala ay ang pangalan ng kanyang kinatawan: Tao-nu-ma-kao (Taonu Makao), isang Muslim.

Kasunod nito, nagpadala na rin noong September 23, 1406, ang pinuno ng Pangasinan (Feng-chia-hsi-lan), ng isang tribute mission. Nasundan ito ng ganun ding misyon noong 1407 at 1408.

Noong 1411, isang state banquet ang inihandog ng China. Ang pagkilala sa Pangasinan at Mao-li-wu (Marinduque), ay napakaliwanag.

Para sa ilang mga mananaliksik ay maaring manghang-mangha sila kung paanong ang munting isla ng Mao-li-wu ay nagkaroon ng ganoong mahalagang papel sa pakikipag-ugnayan sa China. Kaya baka raw naman ang Mao-li-wu ay ang Mindoro kahit pa maliwanag na ang tawag nila sa Mindoro ay Ma-i.

Baka raw pinalitan ang dating pangalan ng Mindoro bilang Ma-i at ginawang Mao-li-wu ayon sa isang manunulat. (Scott in 1984 ang nagsulat ng ganito: ‘a polity known as Mao-li-wu or Ho-mao-li as Mindoro or Marinduque island, or perhaps related to the prior Ma-i).


Ang masasabi ko po, basta sa ngayon, bukod pa sa iba pang maraming panulat na nagsasabing ang Mao-li-wu ay ang Marinduque, may nahalukay pa akong isang source na mahirap salungatin. Tinukoy ang latitude at longitude nito.

Sinasabi dito ang sumusunod:  Sha t’ang ch’ien San Andres islands, 13 ̊34’N, 121 ̊ 50’E, off the north-western extremity of Mao-li-wu, Marinduque island, in the Philippine islands (Chang Hsieh, p 123). (Hanapin sa ‘The Overall Survey of the Ocean’s Shores (1433) by Ma Huan).

Latitude at Longitude ng Mao-li-wu

Hindi pa ngani naisusulat ng husto ang tungkol sa buong kasaysayan ng palakaibigang mga Filipino. Lalo na yung tungkol sa mahalagang bahagi ng kasaysayan natin bago pa dumating ang mga mananakop mula sa iba't-ibang panig ng mundo. 

Na kung tutuusin, nasa mga kuweba, bundok, nasa ilalim ng lupa't dagat-Marinduque at mga sinaunang mga dokumentong nasa Tsina lamang ang kasagutan kapag magawang pagsamahin ang mga ito at pag-aralan. 

Ming dynasty plate

Sayang naman ang mga underwater archaeology sa pagitan ng Gaspar island at Pinggan na nagbunga ng mga Ming dynasty porcelain, brown-glazed stoneware jars with relief dragon designs at kung ano-ano pang mga artefacts.

Yai na muna ang mga kontra sa pakikipagmalapitan daw sa Tsina dahil galit lamang sa isang kaluluwa, ano po?

(*'King' ang ginamit sa English translation subalit may sumulat na ‘pinuno’ lamang ang tawag ng mga Ming sa mga nagpugay noon mula sa Luzon, Mao-li-wu at Pangasinan samantalang 'wang' (‘hari’) ang turing sa mga taga-Sulu, kapantay ng Malacca na pinaka-malaking kaharian sa timog silangan nuon.)