Tuesday, March 12, 2019

Shipwrecked sa Laylay, Boac, Marinduque: Ito na nga ba ang silver galleon na SAN ILDEFONSO?


Dramatization sa dagat ng Marinduque. Larawan ni Eli J. Obligacion


Alam mo baga? May underwater archaeological excavation na naganap sa Laylay, bayan ng Boac, taong 2014. Doon ay natagpuan nila ang isang shipwreck sa ilalim ng dagat sa baybayin ng barangay.

Ang lugar na kinatagpuan ng shipwreck ay di kalayuan sa natitira pang nakatayong mga labi ng isang baluarte. Ito ang baluarteng itinayo noong panahon ng mga Kastila malapit nga sa tabing-dagat.

Bahagi ng Baluarte sa Laylay. Larawan ni Erwin Penafiel

Ito na kaya ang galleon naman na binagyo at sumadsad at nawasak sa may baybayin ng isla ng Marinduque noong taong 1590?

Ang National Museum ang nagsagawa ng nasabing underwater excavation. Bago ito maganap ay may ilang mangingisda na nakatira sa Brgy. Laylay na matagal nang nakakaalam tungkol sa lugar na ito dahil ito ay kanilang sinisisid para makapanghuli ng mga isda.

Matapos isagawa ng NM ang paghuhukay sa ilalim ng dagat na di naman kalaliman, nakumpirma nila na mayroon ngang labi ng barko (o galleon) na natabunan na ng tatlong patong ng mga sediments. Sa pinakang-ibabaw ay naroon ang mga pino hanggang sa mga magagaspang na buhangin. Sa ikalawang patong naman ay naroon ang mga ga-kamaong mga batong-ilog, at sa ikatlong layer naman ay halos pawang siksik na fine clay ang bumalot na sa barko o kung ano pa man ang natitirang bahagi nito.

Ang nailantad na mga bahagi ng shipwreck ay pinaniniwalaang mga bahagi ng keel (ilalim na bahagi ng barko), at mayroon ding mga makakapal na piraso ng tabla. May nakita ring mga yari sa tanso o tinggga (copper and/or lead) sheathing, isang coral-encrusted na kanyon at isang mahabang bagay na yari sa bakal, na hinihinalang bahagi ng isang ankla.

Masasabing wala pa marahil kaliwanagan sa panig ng NM o wala pa itong ideya kung ano alin kaya sa dinami-dami ng mga lumubog na barko noong mga panahong iyon ang kanilang natagpuan. Walang nakasaad sa kanilang tala tungkol dito.

Kaya’t dito ko na ibabahagi ang kwento ng isang makasaysayang almiranta na lumubog sa baybayin ng Marinduque.

Dito ko na rin babanggitin ang tungkol sa mga naisulat ng ilang eksperto na nakapagkumpirma na may nakatala ngang isang barko na sumadsad sa baybayin ng Marinduque, subalit mali silang lahat sa ibinigay nilang pangalan ng barko.

Ang natagpuan kayang galleon sa baybayin ng Laylay ang almirantang SAN ILDEFONSO?

Ito ang kwento ng San Ildefonso

Ayon sa kasaysayan ng Boac unang dumating sa bayang ito noong 1579 ang misyonerong Franciscano na si Fray Esteban Ortiz para itanim ang Banal na Krus. Isang taon pagkaraan nito, dumating naman si Fray Alonso Banol 1580 para itayo ang unang “visita” ng ‘Monserrat de Marinduque’ (Boac).

Nagsimula naman ang kwento ng San Ildefonso sampung taon makaraan ang pagtatayo ng unang visita sa Boac. 1590 ng dumating sa Pilipinas ang barkong San Ildefonso mula sa Acapulco. Lulan nito ni Padre Pedro Chirino, ang pangunahing historyador na Hesuita na makaraan ang ilang taon ay makikilala naman bilang sumulat ng pinakauna at isa sa pinakamahalagang aklat ng kasaysayan, ang Relacion de las Islas Filipinas.

Napadpad sa Marinduque ang San Ildefonso (80 tonelada)

Ang San Ildefonso ay isang almiranta o escort ship ng Santiago (capitana ang tawag sa Santiago bilang flagship) ni Gomez Perez Dasmarinas, ika-pitong governador ng Filipinas. Nagsilbi si Perez Dasmarinas mula June 1, 1590 hanggang October 25, 1593 (tatlong taon lamang ang tinagal dahil siya ay nasawi).

Nang unang dumating si Perez Dasmarinas sa Acapulco mula Espanya lulan ng Santiago ay kinailangan pa niya ng isang galleon bilang kanyang almiranta papunta sa Filipinas.

Sa Acapulco ay may nakita siyang nakadaong na mas maliit na barko na 80 tonelada lamang at kararating pa lamang nito mula sa Peru.

Gamit ang kanyang kapangyarihan bilang hinirang na bagong Governador ng Filipinas, pinadiskarga ni Dasmarinas ang mga kargamento ng San Ildefonso na mga cacao at pilak.

Pinakargahan ni Dasmarinas ang San Ildefonso ng mga kinakailangan nilang mga kagamitan para sa mahabang biyahe papuntang Filipinas.

Ilan sa lulan ng Santiago, na umalis sa Acapulco noong March 1, 1590, maliban kay Gomez Perez Dasmarinas at ang kanyang anak na si Luis Perez Dasmarinas (na naging governador din), ay ang mga sumusunod: ang kanyang pamangkin, si Lope de Andrada, Kapitan at Sarhento-Mayor Juan Juarez Gallinato, mga Kapitanes na sina Hernando Becerra Montano at Gregorio Cubillo, Licenciado Armida (judge-advocate for war), Juan Villegas, ang Kapitan ng Infantry, Diego Jordan, kasama ang alferez (lieutenant) at sergeants ng kanyang military units, maraming mga sundalo, ibang mga pasahero, at 17 Augustinian friars.

Sakay naman ng San Ildefonso ang isa pang pamangkin ni Dasmarinas, si Fernando de Castro, mga Kapitan na sina Francisco Pacheco at Francisco de Mendoza na may kasamang 90 mga sundalo, 6 na Augustinian friars at dalawang Jesuits.

Rebulto ni Padre Pedro Chirino

Isa na nga sa dalawang Hesuita ay si Pedro Chirino. Tumagal ng tatlong buwan ang biyahe ng dalawang barko patawid ng Pacific Ocean. Subalit nang makapasok na sila sa arkipelago ng Filipinas sa karagatan ng mapanganib na Embocadero (San Bernardino Strait), ay nagkaroon ng isang napakalakas na bagyo.

Dahil dito, nagkahiwalay ng husto ang mga galleong Santiago at San Ildefonso.

Dumating ang Santiago sa isla ng Capul noong May 24, 1590. Nabahala si Dasmarinas tungkol sa pagkabalam ng almiranta kaya’t nagpalipas muna siya ng isang araw para maghintay. Walang senyales kaya’t nagpasya na siyang tumuloy na pa-Maynila. Alas tres ng hapon siya dumating sa Cavite, Mayo 31.

Pagkarating ni Dasmarinas sa port ng Cavite lulan ng Santiago ay kaagad siyang nagtungo sa Maynila para simulan na ang kanyang tungkulin nang sumunod na araw, June 1, 1590.

Ayon sa panulat ni Padre Chirino nakarating din ang almirantang San Ildefonso sa Capul. Naisulat niya na nasira ang palo (mast) ng galleon kaya't nakarating aniya ito sa Marinduque subalit aniya ay nakababa ng matiwasay ang mga pasahero.

Ayon pa rin sa salaysay, nalaman lamang ni Dasmarinas kung ano ang nangyari kina Padre Chirino at mga kasama pagdating ng mga ito noong June 20, o “dalawampung araw pa muna ang dumaan” pagkarating ni Dasmarinas sa Cavite.

“Hindi kalaunan pagdating niya sa Manila, inutusan ni Dasmarinas ang lanyang pinsan, Lope de Andrade na bumalik sa Cavite para tiyakin na ang mga barko ay handa nang bumalik (papuntang Acapulco). Noong June 26, 1590 naroon na si Dasmarinas para makapagpaalam sa mga maglalakbay. Habang naroon naman siya, dumating ng June 20 ang iba pang mga pasahero na naging kasabay niya noon mula Acapulco na sumakay sa almiranta. Ibinahagi nila sa governador ang nangyari sa kanila sa Marinduque.”

Wala namang iba pang mga detalyeng nabanggit kung ano pa ang kanilang isinalaysay sa governador.

Dito na rin lumalim ng husto ang misteryo

 Snippet mula sa The Manila-Acapulco Galleons ni Shirley Fish.

Misteryoso kung bakit sa mga tala ng mga mananaliksik sa kasalukuyang panahon (at lalahatin ko na sila), na sa insidenteng ito ng ‘pagkasira ng mast’ ng almiranta ay nakababa naman sila ng matiwasay sa Marinduque (ayon sa kuwento ni Chirino).

Ayon naman sa mga modernong manunulat: Ship's crew survived the wreckage with the cargo and silver which were valued at 500,000 pesos. Her cargo partly recovered. She grounded on a reef near the shore.

Subalit hindi rin maliwanag sa panulat sa ‘The Dasmarinases: Early Governors of the Spanish Philippines’ na pinagbasihan ng salaysay ayon kay Chirino ang kabuuhan ng istorya at ano pa man ang mga naging karanasan ng mga pasahero matapos na silang lahat ay maligtas mula sa bagkabahura ng San Ildefonso.

Isa lamang sa mga namali sa pagpangalan ng galleon na nabahura sa Marinduque noong 1590
Mas nakakaintriga lalo ang makakalap nating mumunting impormasyon sa mga sinaliksik ng mga batikan tulad ng:

“1590 San Felipe, Between March and June
“The San Felipe sailed from Acapulco, Mexico to Manila, but was shipwrecked off the coast of Marinduque during typhoon. The Ship's crew survived the wreckage with the cargo and silver which were valued at 500,000 pesos. Her cargo partly recovered. She grounded on a reef near the shore.”

 Naisalba raw ang bahagi ng cargo. 500,000 pesos. Noon. Nasusulat, nabahura raw ang galleon malapit sa baybaying dagat ng Marinduque. Doon wari ay.

Ayon sa aking pananaliksik, ang San Felipe ay ginagawa pa lamang sa Iloilo (Panay) noong taong 1590. Ito ay sa superbisyon ni Don Juan Ronquillo. Ang nasabing galleon ay natapos at nakarating pa lamang sa Cavite, pangunahing shipyard ng mga Kastila, noong May 28, 1591. Kayat ayon na rin sa tala maaari pa lamang itong lumarga sa unang biyahe niya sa Acapulco ng June 4, 1591, "o isang taon pagkarating ng bagong governador", ayon pa rin sa tala.


Sources:

The Dasmarinases: The Early Governors of the Spanish Philippines by John Newsome Crossley;

Matinding record baya: Sea of Marinduque bilang Graveyard of Spanish galleons, Chinese junks, Japanese warships, and Philippine passenger vessels, Eli J Obligacion, Marinduque Rising;

Galleon Trivia 2: Nang mabahura sa baybayin ng Marinduque ang almirantang lulan si P. Pedro Chirino, Eli J. Obligacion, Marinduque Rising;

National Museum Annual Report 2014;

Pagbabalik-Tanaw sa Kasaysayan ng Misyon at mga Karanasan ng mga Unang Misyonero sa Marinduque: 1579-1800 A.D. (Ikatlong bahagi), Diocese of Boac;

The Manila-Acapulco Galleons: Treasure Ships of the Pacific by Shirley Rice;

Ship Sinkings Around Marinduque, UlongBeach.com