Pinapayagan na ang paglalakbay ng mga indibidwal na "non- APOR" (allowed persons outside residence) mula sa general community quarantine areas (GCQ) patungong modified general community quarantine (MGCQ) areas para sa “mga pagbisita o iba pang mga hangarin sa paglilibang” (visits or other leisure purposes), sa ilang lugar, ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya..
Sa isang briefing kahapon, sinabi ni Malaya na papayagan ang mga ito sa ilang mga lugar na dapat ay naaayon naman sa “reasonable regulations’’ ng mga kaukulang local government units (LGUs).
Sa ilalim ng Resolution 79 ng Inter-Agency Task Force (IATF), ipinaliwanag ni Malaya na ang mga paglalakbay sa pagitan ng mga lugar ng GCQ at ng MGCQ para sa anumang mga dahilan ay pinapayagan na.
Gayunman, binigyang diin ni Malaya na ipinapayong maghintay ng anunsyo mula sa DILG at Joint Task Force COVID-19 Shield tungkol sa kung ano ang naganap sa kanilang consultation meeting noong nakaraang Sabado kasama ang mga LGU upang maiwasan ang pagkalito at pag-aaksaya ng panahon.
Sinabi niya na sa anunsyo ay ililista ang mga lugar nangangailangan o hindi mangangailangan ng "travel authority '' para sa pagbisita.
Simula Oktubre 21 bilang pag-aapruba ng IATF, sinabi rin ni Malaya na papayagan ang overseas travel anuman ang layunin na hindi kakailanganin ang exemption mula sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Gayunpaman, sinabi ni Malaya na kailangan pa rin ng traveler ng valid visa mula sa bansang pupuntahan, confirmed round trip ticket, health insurance, pirmadong Bureau of Immigration and Deportation (BID) declaration sa check-in counter na kumikilala sa risk sa paglalakbay, at ang pangangailangan sa negative antigen test result 24-oras bago ang pag-alis na isasagawa ng airline.
Ayon din kay Malaya sa isinagawang briefing, ang huling omnibus guidelines ay nagtaguyod ng “new normal category’’ na tumutukoy sa post community quarantine scenario.
Ito aniya ay para sa mga lugar na walang umiiral na community quarantine at maaaring ituring na nasa “new normal category”.
Wala pang kumpletong datos tungkol sa bagay na ito, kaya’t ayon kay Malaya kayat dapat pa ring sundin ng publiko ang minimum health standards.
Mula sa mga ulat.