Nag-umpisa nang ipamahagi ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque ang mga 'provincial identification card' sa ilang mga barangay kamakailan.
Ayon kay Gov. Presbitero Velasco, Jr., layon ng programa na magkaroon ng isang opisyal na pagkakakilanlan ang mga mamamayan ng probinsya para sa mabilis na pagtatala at pag-update ng Household Record of Barangay Inhabitants.
"Kung matatandaan po ng ating masisipag na mga opisyal ng barangay sa ating ginawang pagpupulong noong Agosto 2020 sa Convention Center, nabanggit po rito ang kahalagahan ng provincial ID kaya agad natin itong isinakatuparan ayon na rin sa government code at DILG Memorandum Circular No. 2005-69 o ang maintenance and updating of records of all inhabitants of the barangay," pahayag ni Velasco.
Sa pamamagitan ng provincial ID ay madaling malalalaman ang kapasidad ng mga naninirahan sa isang barangay sapagkat bahagi ng impormasyong nakapaloob sa ID ay ang kakayahan, trabaho, talento at iba pang impormasyon ng isang indibidwal na naninirahan sa partikular na barangay.
Magagamit din aniya ito para makapagplano ng mga programa at
proyekto na akma sa barangay kung saan ang makikinabang dito ay mga mamamayan.
(RAMJR/PIA-MIMAROPA)