Wednesday, July 13, 2016

Kasong pang-OMBUDSMAN laban sa mga TIWALI sa Marinduque (again!)

Kapag gobyerno ang puno ng anumalya
Taumbayan laging talo at nagdurusa.

Kapitolyo ng Marinduque. Kuha ni Jepoy Olores

Kung tutuusin, tama talaga si dating Bokal Adeline Angeles, at tama rin ang pagsasampa ng kasong mga opisyal ng Lalawigan ng Marinduque ang respondents hinggil sa kwestyunableng pangungutang ng P300-Million sa DBP. Ngayon, lalo lamang nalubog pa ng mas malalim sa kumunoy ng mga anumalya ang lalawigan dahil sa pangungutang na ito. 

Maging ang lokal na Simbahan ay nagpahayag na ng pagkabahala at pormal nang nagpadala sa Kapitolyo ng liham (Hunyo 2016), bilang paalaala sa mga dati at mga bagong halal, kasama na ang mga kinauukulang mga kawani ng pamahalaang panlalawigan.

Bahagi ng post ni Angeles sa kanyang facebook noong November 3, 2015, ay ganito:

"AKO PO AY BUMOTO NG "NO" SA DAHILANG TULAD NG SUMUSUNOD IN SUBSTANCE:
1.) Ang mahahalagang dokumentong nasa pictures ay requirements po na mai-submit, mapag-aralan at ma-aprubahan muna ng SP BAGO PIRMAHAN ANG KONTRATA at I-RATIFY (as per Ordinance No. 116). SUBALIT napirmahan po ang Kontrata noong Oct 20 na hindi sinumite ang mahahalagang dokumentong ito (kasama ang 10 Year Provincial Resource Mobilization Plan etc.) 

"Ang mga documents na ito ay natanggap lamang ng SP NOONG MISMONG UMAGA NG BIYERNES DIN LAMANG. Ni hindi na nagawang ipa-xerox man lang para i-distribute sa mga bokal at basahin. APPROVED WITHOUT READING.."

Ngayon, makaraan ang ilang buwan, mismong mga ahensyang national naman (tulad ng COA at DBM), ang nagpahayag ng pagtutol sa nakita nilang mga iregularidad at iligalidad ng maraming bagay sa usapin pa lamang ng bidding na may kinalaman sa dapat patunguhan ng salapi ng bayan. Ginamit ng nasabing ahensya, halimbawa, ang mga salitang "bogus", "questionable", "bidders as ineligible thereby affecting the legality of contracts", "authenticity appeared to be doubtful", at iba pa. Iminungkahi pa na ipagpaliban na lamang ang loan facility.
Nakakapagtaka pa kaya na ganito talaga ang kahihinatnan?
Mula sa isang post sa Fb Bagong Marinduque


Opisyal na inilahad naman ng DBM na ang ginawang pagpasa ng SP sa isang partikular na appropriations ordinance para sa supplemental budget hinggil sa usaping ito ay hindi alinsunod sa batas.

Walang duda na panibagong kasong pang Ombudsman ang nakaumang na sa mga kinauukulang matitigas ang ulo. Dahil nga kaya sa tila walang habas na pagsuway sa batas at mga kaukulang patakaran ang kanila lamang nakahiligan nang gawin? Sa ngalan nga kaya ng salapi?

Pero ito lamang talaga marahil ang kailangang isagawa para maganap na ang "CHANGE IS COMING" sa Marinduque kaya?


Alin kaya ang dapat piliin talaga? Pera o bayong?
Ibinahagi sa isang pampublikong post sa Fb

COA, March 2016:
"The winning bidders/suppliers of Infrastructure Projects, Office Supplies, Furniture and Fixtures, Medical Supplies and Heavy Equipment totalling P15,050,515.15 failed to submit the complete eligibility documents, rendering bidders as ineligible thereby affecting the legality of contracts with the Province questionable and doubtful."
"Post-audit disclosed that the following bidders/suppliers (Annex A) were awarded contracts totaling P. 15,050,515.15 despite their failure to submit the complete eligibility requirements." 
"It appears that information provided by the bidder to the Bids and Awards Committee (BAC) as projects completed is bogus
"...suppliers of medical supplies totalling P991,120.50 and Heavy Equipment of P6,451,644.00 both submitted Tax Clearances which are not in the List of Released Tax Clearance for Bidding Purposes of the BIR thus, their authenticity appeared to be doubtful. The BAC should have declared him ineligible during post-qualification process."
"... we recommend that the BAC and the Technical Working Group be required to submit their basis for rating the aforementioned legal, technical and financial documents submitted by the bidders as "Passed" during preliminary evaluation, evaluation, and post qualification considering they appeared to be ineligible to avoid disallowance in audit."
COA, April 2016:
"Approximately 45% or P238M of the total reported Cash balance of P526M as of December 31, 2015 is free of encumbrances, thus the need to acquire a loan facility from Deveopment Bank of the Philippines (DBP) is unnecessary and not recommended."
"We (COA) recommend the following to the Management:d. Consider the deferment of the loan facility from DBP"
DBM, April 2016:
"The Sanggunian cannot pass an Appropriations Ordinance covering a supplemental budget for the current fiscal year after December 31. Supplemental Budget No. 5 covers changes in the FY 2015 Annual Budget of the Province, thus, it should be authorized within FY 2015."

Ayaw na rin ng DBM (Department of Budget and Management) ng KATIWALIAN sa MARINDUQUE

Matapos umalma ang COA, umalma naman ang DBM sa ginawang panggigiit ng mga opisyal ng Lalawigan ng Marinduque na ipasa ang isang Appropriations Ordinance No. 05 series of 2015 na inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan noong January 8, 2016 pero isinumite for review sa DBM noong February 1, 2016. Ito ay may kinalaman sa kontrobersyal na inuutang ng Lalawigan sa DBP na nagkakahalaga ng P 300-MILLION.

Maliwanag na inihayag ng DBM Regional Office sa Lalawigan ang pagtutol nito na may petsang Abril 7, 2016, dahil nilalabag nito ang IRR ng RA 7160, at sinabing:

"The Sanggunian cannot pass an Appropriations Ordinance covering a supplemental budget for the current fiscal year after December 31. Supplemental Budget No. 5 covers changes in the FY 2015 Annual Budget of the Province, thus, it should be authorized within FY 2015. Article 455 of the Implementing Rules and Regulations (IRR) of R.A. 7160 provides that:

"The official year of the LGUs shall be the period beginning with the first day of January and ending with the thirty-first (31st) day of December of the same year"

Marami ang nakapuna na sinubukan ng SP na isingit, madaliin at palusutin ang Appropriations Ordinance No. 5 na tinutulan ng ilan dahil tapos na ang fiscal year 2015, noong ito ay ipinapasa subalit hindi ito pinakinggan.

Dahil dito tahasang ibinalik ng DBM sa Kapitolyo ng Marinduque ang isinumiteng FY 2015 Supplemental Budget No. 5 na hindi inaprubahan. 


Paglabag sa batas sa Marinduque FMR bids atbp umusok na



Noong Oktubre 20, 2015 panahong suspendido si Gov. Carmencita O. Reyes ng Sandiganbayan dahil sa kasong tinaguriang Fertilizer Scam, ay nakipagkontrata si Reyes sa DBP para sa pangungutang ng P300M para sa mga ibat-ibang proyekto sa gitna ng mga protesta.

Kasama sa inuutang ang infra projects sa halagang P170,086,533.96 para sa farm to market roads kung saan nagkaroon ng bidding noong Marso 9, 2016, kahit pa may nakabinbin na kaso sa Makati Regional Trial Court na naglalayong ikansela ang kontrata sa DBP.

Base sa masusing pagsusuri ng COA, lumitaw na sadyang kadudaduda diumano ang legalidad ng prosesong isinagawa ng Bids and Awards Committee (BAC) sa maraming kadahilanan. Ilan dito ang hindi pagsunod sa mga probisyon ng RIRR ng RA 9184, mga bidders/suppliers na binigyan ng kontrata bagamat hindi kumpleto ang legal requisites, mga impormasyon na tinaguriang "bogus" ng COA, kabiguan ng mga bidder na magbayad ng tamang income tax sa BIR, kabiguang magsumite ng Tax Clearance, at marami pang iba pa.

Ikinagulat ng COA kung bakit sa likod ng mga nasabing pangangailangan ayon sa batas ay pinayagan ng BAC at Technical Working Group na palusutin ang mga ito sa panahon ng preliminary evaluation, evaluation at post-qualification bagamat ang mga bidders ay "ineligible".


Sa isang kasunod na Audit Observation Memorandum (AOM), na ipinadala kay Gov. Carmencita O. Reyes ay maliwanag na ipinarating ng COA ang kanilang pagsusuri. Ayon sa Komisyon may surplus sa pananalapi ang lalawigan na ang suma-total ay P 526,204,782.13 kayat hindi rin kailangang mangutang sa DBP.  Kasama sa nasabing halaga ang cash in vault, cash in bank at mga time deposit.

45% naman ng total cash na nagkakahalaga ng P238M ay magagamit sa mga proyekto sa halip na mangutang ayon sa Komisyon sa Audit.


Bahagi ng pagsusuri ng COA na may petsang April 11, 2016

Matatandaang noong 2014 ay tahasan ding iniulat sa bayan ng nasabing Komisyon na ang hindi pag-gamit ng lalawigan sa mga pondong nakalaan para sa mga proyektong makakatulong sa taumbayan ay hindi naaayon sa letra ng mga kaukulang batas.


2014 pa nagbabala ang Komisyon sa Audit

Dahilan dito iginiit na ng COA, bukod pa sa ilang mga dapat isagawa ng tuwid ng lalawigan na may kinalaman sa pananalapi, ang pagpaliban sa pangungutang sa DBP at pagtitiyak na ang pag-gamit ng kaban ng bayan ay naaayon sa "vision, mission at strategic plans" ng lalawigan.

Para sa ilang mga mamamayan ng Marinduque bilang reaksyon ay napakaliwanag na diumano kung ano ang talagang pakay ng mga nasa likod ng pangungutang.

Ito kaya ay maituturing na klasikong kabanata na kung saan ang isang inabusong pamayanan ay patuloy na ginigisa pa rin sa sarili nilang mantika?