Saturday, August 13, 2016

AMD sa Marinduque: Tuluyang itapon na kasama ng basurang mina

Di baga't ang daigdig ay nilikha para sa pagpapatuloy at pagpapayaman ng buhay,
Bakit ngayon siya ay balisa dahil lamang sa mga kasalanan ng mga ganid na iba,
Gising na kapatid, ang mga ilusyon at walang humpay na kurapsyon ay tuluyang itapon na
Kasama ng basurang-mina.

Nabighani sa asul na tubig. Kontaminado pala kaya asul. Photo: Richard V. Nardo

Sa mga nakaraang larawan na naibahagi sa blog na ito ay maliwanag na ang matinding kontaminasyon, sa lob ng maraming taon ay nakakawala pala ng walang humpay sa kailugan ng mga barangay ng Boac pababa mula sa Puting Buhangin. 

Naroon ang kontaminadong Bol River mula Marcopper mine site. May dumadaloy ding overflow mula sa Tapian pit papuntang Bol River ayon pa sa isang pag-aaral.

Karagdagan ito sa walang tigil na pagdaloy ng acid mine drainage mula sa itaas ng bundok ng minahan patungo sa Makulapnit river at deretso sa Boac River. Kailangang idiin na hindi natin pinag-uusapan dito ang mga dating tailings na tumagas mula sa nawasak na drainage tunnel sa may Hinapulan noong 1996.

Hindi rin kasama rito ang araw-gabing pagdaloy ng AMD sa Mogpog river sa kasalukuyan, magmula pa noong 1993.

Kontaminado na ng mapanglasong AMD ang dumadaloy sa maliliit na ilog, sapa at iba pang lagusan ng tubig galing sa mine site sa dakong Makulapnit River gawing itaas ng Hinapulan patungong ilog-Boac.

Sa lahat ng kaganapang ito, katahimikan.

Mababaw ba bahagi ng sapa sa Puting Buhangin. Photo: Richard V. Nardo

Dahil sa kalunos-lunos na kabulukan ng sistema natin na kung saan ang mga mata at isip ng mga tao ay madaling gulatin at utuin sa pamamagitan ng kinang ng salapi o pangako, hindi nagawang mabigyan ng proteksyon ang kapaligiran. 

Hindi nagawang gamitin ang inilaan ng minahan para sa pagsasaayos, sa kakayaning pamamaraan, ng Boac River. Tanda mo pa baga na $12-Million escrow ang iniwan ng minahan para sa ganung pakay?

Sa halip ay lumalabas, pagkaraan ng maraming taon, na hindi pala talaga natulog ang mga kinauukulan sa kaiisip - hindi para ayusin ang ilog, kundi kung papaano kaya maiibulsa at diskartehan na lamang ang milyong dolyares na nabanggit na wala ni singkong duling na gagastahin para sa pagsasaayos ng Boac river.

Masalimuot na pamamaraan, sa huli ay nagkabukingan. Hindi malunok ng mga Marinduqueno ang konsepto na idinimanda nila ang minahan para panagutin sa pagkasira ng kalikasan ng islang-lalawigan (sa Calancan, Mogpog, Boac, ilog, dagat), pagkatapos ay papayag na lamang sila na ipamahagi na lamang ang salaping iniwan para sa rehab ng Boac River deretso sa bulsa ng mga ganid at tuso. At abswelto na sa kaso ang minahan at ano pa mang pananagutan mayroon sila sa habang panahon.

Boac River, Marso 1996. File photo.

Sa habang panahon. Ganyan kahaba ang panahon na pagdudusahan ng mga taga-Marinduque ang mga epekto ng pagmimina sa Marinduque. Kung walang mapiyok at makilos.

May nagsabi naman na ang pang-habang panahong epekto ng pagmimina sa Marinduque na nagdulot ng pagwasak sa kapaligiran ay ang pagkamulat daw ng mga tao. Pagkamulat sa katotohanang mula pa pala sa simula, kasabwat ang mga 'dalubhasa', at mga kinauukulang opisyales, ay ang pamamaran ng malakihang panlilinlang na ang kanilang pinairal mula pa sa simula.

Panhlilinlang sa bawat hakbang. Sa lahat ng bagay pala na may kinalaman sa ano mang atraso ng minahan na higit dalawampung taon nang pinag-uusapan.

Puting-Buhangin/Bol River sa Boac. Photo: John Oliver Hermosa

Kayat mga ano ang bagong normal na nakikita natin ngayon? 

Kahambal-hambal na pagwasak sa mga sapa, ilog, dagat, dalampasigan; pang-aapi sa mga taong nanirahan sa mga lugar na malapit sa minahan, sa mga lugar na pinagtambakan nila ng mga lasong-mina; kontaminado nang lupa at tubig na dating pinagtataniman ng mga halamang pinagkakabuhayan at pinagkukuhanan ng mga isda, hipon, bagtok; wasak na kagubatan, pagbagsak ng kalidad ng surface at ground water; sari-saring sakit dulot ng lasong-mina kasama na ang heavy metals sa dugo at pagkasira ng utak.

Kahambal-hambal din ang ginawang pagwasak sa lipunan sa pamamagitan ng paggamit ng mga estratehiyang nagtitiyak na ang mga komunidad ay magiging watak-watak para maghari ang mga kampon ng ginintuang diablo sa mundo.


Di baga't ang daigdig ay nilikha para sa pagpapatuloy at pagpapayaman ng buhay,
Bakit ngayon siya ay balisa dahil lamang sa mga kasalanan ng mga ganid na iba,
Gising na kapatid, ang mga ilusyon at walang humpay na kurapsyon ay tuluyang itapon na
Kasama ng basurang-mina.

Isa ring lugar na nasa bayan ng Mogpog na hindi maaaring paglanguyan dahil sa AMD.
Abandonadong CMI Mines, Capayang. Photo: Florante “T3N60” Lamando


Iba pang lugar sa mundo kung saan ganun na lamang ang kanila ring panangis.

Sa Dee River, Mt Morgan mine, Australia

Sa Hanrahan's Creek, Redbanck copper mine, Australia


Sa Bingham mine, Salt Lake City