Tuesday, August 16, 2016

Damn those Marcopper dams, nganga pa rin kita

Bukang-bibig mandin ng national at local authorities na inamonitor naman daw ang mga peligrosong dams na ginawa ng Marcopper. Para bagang ina-monitor para ikuwento na lamang ang magaganap kapag bumigay ang alin man sa limang dambuhalang dams sa minahan.

Matagal nang reklamo ng lokal na Simbahan, mga kalipunang sibil, mga punong barangay, mga pamahalaang-bayan na hindi naman anila ipinapaabot ang resulta ng mga 'monitoring' at kung ano man ang naging aksyon.



Ang reaksyon naman ng iba para dayain ang sarili nila: 'Inamonitor pala naman.'

May naligaw naman sa Internet na isang kopya ng monitoring report. Sa bawat dam na kanilang binisita, kung binibisita man para sa makatotohanang pagsusuri, ay tipid na tipid ang nakalagay - halos iisa o dalawang pangungusap lamang ang 'ekspertong' obserbasyon sa bawat dam.

Ang suma-total ng sinasabi: 'Walang problema kahit ano pa sa alin mang dam. Wala, wala, wala!'

Sa gitna ito ng hindi na yata mabilang na pag-aaral na isinagawa ng mga dalubhasa at siyentipiko, lokal man o banyaga, na tahasang iba ang sinasabi: Mapanganib! Mapanganib! Mapanganib!


Kinalalagyan ng mga dams ng Marcopper. Mula sa Google

Ano ang maaasahan mong patutunguhan ng sistemang ganito? Dalawampung taon na panglilinlang at paikot-ikot na kita! Ang pag-aaral bagang isinagawa ng USGS, halimbawa, na nagkahalaga ng P20-Million ay iniharap man lamang baga sa mga mamamayan para sa kanilang kaalaman o para mabigyang desisyon? 

Sagot: Hindi! Hindi! Hindi!

Isa-isahin na lamang muna natin ang mga dam na ito para sa dagdag nating kaalaman:

MAGUILAGUILA DAM - sa Taluntunan, Mogpog


Maguilaguila Siltation Dam, kuhang pababa. Screengrab: Bleeding Heart

Ang taas ay tinatayang 189 meters above sea level at may catchment area na 8.2 sq.km.

Naging lagusan ng mga acidic liquid ng mine tailings hanggang bumigay noong 1993 ng bumagyong malakas at nagkaroon ng malawakang pagbaha sa Mogpog hanggang Boac. May dalawang batang namatay, pati ilog, isda, lahat ng lamang ilog at mga tumutubo sa tabing ilog patay. Hanggang ngayon, patay.

Inayos noong 1994 ng minahan pero 2 taon pa lamang ang nakalipas ay napunong muli ng mga sediments, tailings at acid mine drainage (AMD) na kulay orange. Nanggaling lahat sa San Antonio Pit.


Pinasabog na bahagi ng dam na dinadaanan ng overflow. Photo: Emelina Regis

Sa bandang ibaba nito ay may isang bundok na makikitang pinasabog para daanan ng kontaminadong tubig galing sa minahan. Kontaminado tuloy ang lahat ng tubig, sa ibabaw o sa ilalim ng lupa - sa lahat ng pinag-aagusan ng mga mine waste sa bundok, kapatagan at kung saan man ito anurin ng baha. Mga lupang tinatamnan ng palay at gulayin na natabunan na ng maasidong putik.

Hindi na nagagawang harangan ng dam na ito ang mga sediments na galing sa minahan dahil punong puno na ang impoundment sabi ng USGS. Iniwang nakatiwangwang.

Hanggang ngayon panay katawatawang 'monitoring' ang gawa ng mga awtoridad at buryong panonood sa walang humpay na pagdaloy ng lasong mina.

BOL RIVER DAM - sakop ng Sta. Cruz; dinadaluyan ng mga waste dumps mula sa SanAntonio Pit at Tapian Pit; dumadaloy naman papuntang Makulapnit at Boac River.


Bol River Dam. Photo: erichgamba

May tantiyang 245 meters above sea level at may catchment area na 11.4 sq.km.

Dating source ng industrial water para sa minahan. Inaagusan din ng surface and ground waters at waste dumps na galing sa Tapian at San Antonio Pit kaya't ang kulay na nito ay deep green (o cloudy blue depende sa tumitingin), ayon sa USGS.

Nilalanguyan ng mga kabataan ang asul na Bol River gawing Puting Buhangin dahil walang pagsisikap mula sa mga awtoridad na magbigay ng karampatang impormasyon tungkol sa toxicity ng ilog. Sa murang isip ng mga gumagamit ng ilog ang tubig dito ay "busilak" at hindi lagusan ng acidic overflow. Photo: Richard Nardo


Saan ang lagusan ng walang patid na acidic overflow? Sa isang ilog na tumatahak sa may Brgy. Puting Buhangin na kulay blue at copper-bearing na tubig. Sa ilang mapa, ang tawag dito ay Bol River. Sa loob ng 20 taon ay puro usapan tungkol sa Mogpog at Boac river lamang ang naganap; walang kamalay-malay ang taumbayan tungkol sa sitwasyon ng ilog na ito dahil wala namang inuulat o ipinaparating sa mga tao ang mga magagaling tungkol dito.


De-kolor na AMD mula sa ol River Dam. Photo Luna "Pongkoy" Manrique

Base sa isang inspection na isinagawa ng MPDC ng Boac noong nakaraang taon lamang ay hindi inasahang may bahagi pa rin pala ng Bol River Dam na tumatagas sa iba pang bahagi ng kabundukan papuntang Makulapnit River (bahaging Hinapulan). Makikitaan ang tagas na ito ng mas matingkad na kulay asul o deep green.

Mula sa Makulapnit River tuloy-tuloy na itong umaagos sa Boac River.

TAPIAN PIT - dumadaloy patungong Makulapnit at Boac River sa katimugang bahagi at sa Bol River naman sa hilagang bahagi.


Tapian Pit. Photo: Tony Wells

May tantiyang taas na 310 meters above sea level, humigit kumulang sa 24 million cubic meters ang nilalamang tubig at basurang mina.

Sa open pit na ito nagmina ang Marcopper sa loob ng maraming taon. Nang pinahinto ang minahan sa pagtapon ng kanilang tailings sa Calancan Bay dahil sa dinulot nitong sakit sa mga residente ng mga coastal villages doon at sa matinding polusyon ng Calancan, Tapian Pit naman ang ginamit na tapunan ng lahat ng basurang mina.

Lingid sa mga mamamayan ay mayroon palang drainage tunnel galing dito na nakatutok mismo sa Makulapnit River. Lagusan ito ng maasidong likidong basura ng minahan tuwing may bagyo o baha. 

Bumigay ang pinapasukang bahagi ng tunnel noong 1996, kung saan bumulwak ang mga tailings na naging sanhi ng pinakamalaking sakuna sa kasaysayan ng pagmimina. Humigit-kumulang sa 2 million cubic meters ng tailings ang bumulwak.


Dagliang ikinamatay ito ng lahat ng mga lamang tubig sa Boac River. Ikinabahala at kinondena ng pinakamalalaking organisasyon sa daigdig kasama na ang U.N. ang matinding kapabayaan ng minahan


Bahagi ng natitira pang tailings ay makkita sa gitnang bahagi ng Tapian Pit. Photo USGS

Ngunit lingid pa rin sa kaalaman ng karamihan ay may isa pang drainage tunnel (310 adit) sa Tapian Pit na maaaring bumigay dahil sa pressure dala ng tubig. Pinag-isipan pala noon (2001) kung makakatulong bilang contingency na i-pump out na lamang ang tubig mula sa Tapian patungo sa katabing Bol River para maiwasang maulit ang nangyaring sakuna sakaling bumigay ang 310 adit o mapuno ng maasidong tubig ang Tapian Pit.

Noon pa lamang ay nakita na ng mga eksperto ang posibilidad na maaaring tumatagas na ang maasidong tubig mula sa Pit at dumadaan na sa mga bitak o mga lugar na maaari nitong pagdaanan sa ilalim ng lupa. Kapag malayo pala ang marating ng nabanggit ay makakaapekto sa kalidad ng tubig mula sa mga domestic wells, mga pinanggagalingan ng drinking water, gayun din kapag nakarating ito sa iba pang ilog at sapa.


Tagas na dumadaloy malapit sa 195 drainage adit patungo sa Makulapnit River. Photo: USGS

Ayon pa rin sa grupong USGS, malapit naman sa 195 drainage adit na sinarahan na noong 1996 ay may tagas na dumadaloy patungo sa ilog na nagmumula sa Makulapnit siltation dam. (Tingnan ang larawan, Figure 8A & B). Hindi malinaw kung ang tagas ay nagmumula sa drainage adit o mula sa mga bitak sa mga bato malapit sa adit.

MAKULAPNIT DAMS - patungong Boac River.


Lower Makulapnit Dam. Mula sa Google

Dalawang dam mayroon sa lugar ng Makulapnit.

Ang Lower Makulapnit Dam ay isa pa ring siltation dam ng Marcopper.

May tantiyang taas na 230 meters above sea level at may catchment area na 1.5 sq. km.

May sapa sa south Tapian kung saan sumasama rin ang tubig na galing sa Makulapnit Dam at kung saan naman laganap ang copper precipitation na kulay green.


Upper Makulapnit Dam (Reservoir). Photo: Luna "Pongkoy" Manrique

Ang Upper Makulapnit Dam naman ay ginawa noong 1975 para ikulong ang tubig na nagmumula sa Makulapnit River upang pagkunan ng water supply para sa operasyon ng Marcopper. Katulad ng lahat ng dams ng Marcopper ito rin ay napabayaan na.

Ayon sa pag-aaral ng Klohn-Crippen (2001), hindi papasa sa accepted criteria ang dam na ito sa stability analysis at ang spillway nito ay wala raw sapat na kakayahan sakaling magkaroon ng maximum flooding dala ng major storm events.

Kapag gumuho ang istruktura ay malalagay sa panganib ang buhay o kaligtasan ng mga tao sa ibaba ng ilog. 34 million cubic meters na tubig at silt ang dala.

SAN ANTONIO MINE PIT - dumadaloy papuntang Mogpog sa norte at daluyan din ng mga sediments at waste dumps papuntang Bol River Dam.


San Antonio Pit. Photo: USGS

 1992 sinimulan ng Marcopper ang pagmimina sa San Antonio Pit na ang basurang mina ay itinapon sa Tapian Pit.

Milyon-milyong tonelada ng mine waste ang dinadala ngayon ng hindi matibay na tailings pond na ito. Ang pagguho ng estruktura sa paligid nito ay maaari diumanong maganap sa malapit na panahon ayon mismo sa environmental consultants ng Placer Dome. Ang kaligtasan ng sino mang tauhan ng minahan kapag ito ay naganap ay malalagay sa peligro ayon sa kanilang pag-aaral.

So sa lahat ng ito, kaligtasan muna dapat ng mamamayan ang inaatupag bago ipangalandakan ng kinauukulan ang paglalaway sa pinag-iwanang pera ng minahan, hindi ba po?




Video ng isang dam collapse sa Brazil.

But in the case of Brazil the mining company had to pay, 
and they agreed.
Magkano?  $US2.3 billion ($3.2 billion)