Thursday, March 23, 2017

MACEC: Pagbibigay ng authority kay Gov. Reyes ni-reject ng Sangguniang Panlalawigan

PAGBIBIGAY NG AUTHORITY KAY GOVERNOR REYES NI-REJECT NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN

ni Marinduque Council for Environmental Concerns (MACEC)


Mga leaders ng MACEC mula sa ibat-ibang bayan.

Sa ginawang sesyon ng ika-14th Sangguniang Panlalawigan ay tuluyan ng ni-reject ng Sangguniang Panlalawigan ang mosyon na bigyan ng authority si Governor Carmencita Reyes na pumasok sa kasunduan sa pagitan ng pamahalang panlalawigan at Diamond McCarthy Law Firm bilang legal counsel at sa Parabellum Capital LLC. para sa Funding agreement at sa Lax O’Sullivan Lisus Gottieb Law Firm bilang local retainer sa kasong isasampa sa bansang Canada laban sa Placer Dome at Barrick Gold kaugnay ng patuloy ng paghahabol ng hustisya sa pinsalang tinamo ng lalawigan sa 3 dekadang operasyon ng pagmimina sa lalawigan ng Marcopper Mining Corporation at Placer Dome, Inc. 

Nagkaroon din ng desisyon kahapon na papanibaguhin ang komposisyon ng Committee on Environmental Protection sa Sangguniang Panlalawigan kung kaya’t umaaasa ang mga Bokal na mabilis ng mapag-aaralan at madedesisyunan ang mga usaping may kaugnayan sa pangangalaga ng kapaligiran lalo’t higit ang usaping may kaugnayan sa pagsususulong ng hustisyang pangkapaligiran. 



PASASALAMAT

Maraming salamat sa mga officers, secretariat at kasapi ng MACEC/SAC at mga kaparian ng Diyosesis sa pangunguna ng obispo na matiyagang sumubaybay at nagbantay sa mga isinagawang sesyon sa Sangguniang Panlalawigan. Sa mga nagdaang enbanc meeting ay aktibong nakilahok ang MaCEC at ang butihing Obispo ng Diyosesis ng Boac upang makapag-ambag ng mga komento at mga rekomendasyon upang mas mapag-aralan at mapagtimbang timbang ng mga Kagalang-galang na Miyembro ng Sangguniang Panlalawigan kung ano ba ang makabubuti sa lalawigan sapagkat maselan ang usapin at ang nakataya dito ay ang kapakanan ng ating kapaligiran, ng kasalukuyan at ng susunod na henerasyon ng Marinduquenos. 


Calancan Bay, 2017


Maraming salamat sa mga Bokal at sa wakas ay nagdesisyon na sila, sapagkat habang pinatatagal ang usapin, ang apektado ay walang iba kundi ang mga naging biktima tulad ng: mamamayan ng Sta. Cruz partikular sa Calancan Bay na hanggang sa ngayon ay kitang kita pa ang ginawang pagtatambak ng basurang mina sa dagat at patuloy na nakakaapekto sa buhay at kabuhayan ng mga residente sa kalapit na barangay, sa bayan ng Mogpog ng magiba ang siltation dam ng Marcopper noong 1993 at hanggang ngayon ay walang nabubuhay sa ilog at walang kompesasyon sa mga biktima tulad sa Calancan Bay. At ang huli ay noong tumagas ang basurang mina sa Boac River at ngayong March 24, 2017 ay dalawamput-isang taon nang walang hustisya sa Boac River. 



SUNOD NA HAKBANG

Ano na nga po ba ang next step? Noong March 10, 2017 session ay dalawang (2) resolusyon ang pinagtibay ng Kagalang-galang na Sanggunian. Una ay ang pag-imbita sa Trudel Johnston & Lesperance upang mailahad ang kanilang proposal sa pamahalaang panlalawigan. Ang TJL ay isang Environmental Canadian Law Firm na nagpahayag ng interest na magsilbing lawyer ng pamahalaang panlalawigan sa planong pagsampa ng kaso sa Canada. 
Kamakailan ay kinapanayam si exec. dir. ng MACEC, Ms. Beth Mangol, ng Radio Veritas hinggil sa sitwasyon sa Marinduque at sa pagpapatuloy ng hinaing ng mga mamamaynan sa usapin  ng Environmental Justice sa Marinduque.

Napagkaisahan din ng mga Bokal na mag-anyaya ng iba pang Law Firm sa Canada upang mapag-aralan ang kanilang mga proposal at magkaroon ng comparison kung alin bang law firm ang inaakalang mas makabubuti at papabor sa interes ng mga mamamayan, kasama ding pinagtibay ay ang pagbuo ng Technical Working Group na siyang magtatakda ng mga criteria, guidelines at process of selection sa gagawing pagpili sa mga law firm. 

Sa mga pangyayaring ito, harinawa ay magtulungan ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at ang Punong lalawigan na simulan na ang gagawing proseso ng pag-imbita at pagpili ng law firm at tuluyan ng mai-file ang kaso sa Canada laban sa Placer Dome/Barrick Gold at ng matamo na ng lalawigan ang tunay na hustisya.


Boac River, Marso 1996

Maguilaguila Dam, 2017