Sa mga naisulat kong mga artikulo bilang mananaliksik sa prehistory at mga pira-pirasong kasaysayan ng lalawigan ng Marinduque, ilan dito ay nagamit para sa mga opisyal na dokumento o kaya'y lumabas na sa ilang lathalain. Karamihan ay unang lumabas dito sa Marinduque Rising, may ilan naman na sa iba pang lumang sites na aking pag-aari.
Lahat ng ito ay bunga ng walang-sawang pananaliksik sa mga pribado o pampublikong aklatan (lalo na noong panahong wala pang internet), at siyempre ngayon, mula sa tinatawag nating information superhighway na pinakamadaling ma-access.
Coffin covers from two coffins found by Marche in Marinduque. These two drawings appeared in Antananarvio Annual and Madagascar Magazine 1892. |
Kagulat-gulat na kapag nananaliksik ako ngayon tungkol sa ilang bagay na may kinalaman sa Marinduque ay napapakunot-noo ako. Ito ay sa kadahilanang parang pamilyar na ako sa ilang bahagi ng mga nasusulat - at batid ko na sa ilang aspeto ay ako lamang ang nakapagtagni-tagni noon mula naman sa ibat-ibang literatura. Iyon pala ay sa kadahilanang ang mga panulat o ilang video ko rin pala ang nagamit na source.
Nakakatuwa ang ganitong pangyayari dahil nagiging mas madali namang malaman at mas malinaw para sa mga katulad kong mananaliksik kung alin pa ang mga bagay na dapat pang halukayin o hanapin.
Interesante ang topic na prehistory of Marinduque. Sa aking paghahanap ay napunta ako sa Wikipedia na mayroon palang artikulo tungkol dito na mula sa aking panulat. Source din ang "Alfred Marche Expedition" (English translation ng aklat ni Marche) na matatagpuan sa UlongBeach, bukod pa sa iba.
Bagamat pwedeng isalin sa maraming lenguahe ang artikulo ay ako na ang nagtranslate ng sumusunod dahil may kaguluhan ang auto-translation nito sa Filipino. Naaayon naman ito sa paniniwala ng Wikipedia, ika-5 sa pinakapopular na website sa buong mundo, - na ang mga mambabasa ang sa huli ay responsable sa pagwawasto o pag-verify ng katumpakan ng kanilang mga artikulo.
Prehistory ng Marinduque
Nailimbag noong 1887 ang kanyang "Lucon et Palaouan, Six Années de Voyages aux Pilipinas (Luzon at Palawan, Anim na taon ng Voyages sa Pilipinas)".
|
Ang pagtuklas na pre-kolonyal na kultura ng Marinduque ay sinimulan ng antropologong si Fedor Jagor noong 1860s sa pagdiskubre niya ng elongated skulls sa isa lamang sa mga kuweba sa isla. Napag-alaman na ang mga bungong ganoon ang hugis ay katulad din ng mga natagpuan sa Cagraray at Albay. Ito ang pinakaunang pagtuklas ng ganoong uri ng mga bungo sa Silangan kaya nagkaroon ng malaking interes sa Kanluran. [2}
Marche Expedition
Local explorers found these bones in a cave of one of the islands of the Tres Reyes Islands of Marinduque, Philippines. Wikipedia Photo: Emmanuel Sace |
Marami sa kanyang nahukay ay nakuha sa Boac, sa isang maliit na isla sa Tres Reyes, sa Bathala Cave at sa Gasan.[3] Karamihan sa mga artefacts ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng Musée du Quai Branly at Musée de L'Homme, parehong matatagpuan sa Paris [4], habang ang ilan ay nasa Smithsonian Institution sa Washington, DC. [5]
Pambihirang natuklasan
Isa sa mga pambihirang tuklas ni Marche ay ang mga ataol na gawa sa kahoy na nahukay sa isang kwebang libingan sa Marinduque. Ang mga ataol na ito ay may ukit na mga imahe ng buwaya sa takip ng mga ito. Katulad ito ng mga matatagpuan sa Nosy Loapasana, Madagascar. [6]
Isa pa ang kanyang pagkatuklas sa deformed skulls o elongated skulls sa kuweba ng Los Tres Reyes, sa Pamintaan at sa Macayan. Ang mga deformed skulls ay katulad niyong mga una nang natuklasan sa isla ni Fedor Jagor noong 1860s. Pinaniniwalaang ang deformation ng mga bungo ay isang resulta ng compression ng ulo, sa isang bagong panganak na bata. Nagagawa ito sa pag-ipit ng ulo sa pagitan ng dalawang wood boards. Isinasagawa ito ayon kay Marche, na ang ulo ay ginagawang pahaba sa halip na bilog, at ang noo ay mas malapad, bilang "espesyal na tanda ng kagandahan" noong sinaunang panahon.
Subalit kamangha-mangha na ang ganitong hugis ng mga bungo ay makikita rin sa mga sinaunang Mayan, Egyptian, at Incan races, sa kabila ng hindi pagkakaroon ng anumang ugnayan sa pagitan ng mga taong ito. [2]
Naging sanhi naman ng "pagkalasing" sa kasiyahan ni Marche ang mga bagay na nahukay niya sa isang libingan sa Pamintaan Cave. Ang ilang mga bagay, mula Chinese urns, vases, mga gintong palamuti, at iba pa ay kanyang nahukay.
Chinese Junk Shipwreck
Noong 1982, ang National Museum at ang Marine Archaeology Unlimited, Inc. ay nagsagawa ng isang excavation ng isang shipwreck, may 40m ang lalim sa timog-kanlurang baybayin ng Marinduque. Ang site ay natuklasan sa pamamagitan ng isang lokal na mangingisda na noon ay nagagawang sumisid para makuha ang maraming mga ceramic pieces kahit na walang anumang diving equipment. [7] Napag-alaman na ang barko ay isang Chinese trading galleon mula sa Ming Dynasty. Higit sa 1,100 piraso ng artifacts mula sa mga site ang nakolekta ng excavation, karamihan sa mga ito ay pinggang porselana, banga at stoneware [10] . Ang stoneware jars ay kapansin-pansing katulad ng mga jars na may disenyong dragon sa mga nahukay mula sa Pamintaan cave.
Malapit sa Brgy. Pinggan ('Plate'), ang shipwreck na nabanggit at naging ganoon ang pangalan dahil diumano sa nagkalat sa dalampasigan na mga piraso ng pinggang porselana noong una pa. Isang re-excavation ang isinagawa matapos ang ilang taon sa gitna ng baybayin ng Pinggan at Gaspar Island. [7]
San Isidro Cave at Subterranean River
Ang isang nakatagong kuweba na may underground river ay kamakailan lamang natuklasan sa Sta. Cruz, Marinduque . Ang San Isidro cave system na mayroon ding maliit na waterfall, stalactites at stalagmites na iba-iba ang mga kulay at mga hugis, freshwater shrimps, eel, swallows, at batong hugis king cobra na animoy nagbabantay. Ang kuweba ay patuloy na pinag-aaralan pa, wala pang ginagawang paghuhukay at bukas sa mga gustong bumisita. [8]
Sources ng Wikipedia
1. http://triptheislands.com/destinations/the-colors-of-marinduque/
2. Obligacion, E. (July 30, 2012). "Ancient Marinduque's common ancestry with the Mayans and lost civilizations?". Marinduquegov. Retrieved October 4, 2015.
3. Zugwalt, E. "Archaeology in the Philippines". Treasure and Antique Seeking. Retrieved October 4, 2015.
4. "Alfred Marche Expedition". Ulong Beach. Retrieved October 4, 2015.
5. Obligacion, E. (February 9, 2014). "The Mysterious Phenomena of Elongated Skulls.". Marinduquegov. Retrieved October 4, 2015.
6. Obligacion, E. (February 8, 2014). "More on Marinduque's common ancestry with lost civilizations.". Marinduquegov. Retrieved October 4, 2015.
7. List of wrecks which may be of interest. (2011, February 6). Retrieved October 4, 2015.
8. "Marinduque Discovery: Hidden Cave with Subterranean River". Beach Club Cagpo. October 12, 2009. Retrieved December 8, 2014. (marinduquegov video)