"Hindi sapat at hindi makakatulong sa mga napinsalang Marinduqueno, mas malaki pa ang pakinabang ng abugado". Ito ang isa sa mga komentong naitala ng MaCEC sa ginawa nitong konsultasyon sa mga komunidad hinggil sa proposed settlement sa tinaguriang Nevada case.
Matatandaang ilang buwan pa lamang ang nakaraan ay may lumitaw na nawawala ang $12-million dollars na pondong sinasabing escrow fund na inilaan noong 2001 para sa rehabilitasyon ng Boac River. Ang halagang ito ay kasinglaki lamang ngayon ng tinatantiyang mapupunta sa lalawigan ng Marinduque sa inihaing settlement proposal ng Barrick Gold (diumano ay $13-milion sa lalawigan at $7-million sa abugado). Kapalit ng maraming hindi-matanggap ng konsensiyang mga kundisyon kabilang na ang pagbasura sa kasong isinampa sa Nevada at lahat ng kasong isinampa noon at isasampa sa hinaharap.
Sa pahayag naman ng Amerikanong abogado sa Inquirer ay tahasang sinabi nito na ang nabanggit na escrow fund na inilagak ng Placer Dome sa isang bangko ay isa lamang alamat, "it's a myth", aniya at hindi ito nag-exist kahit kailan. Kapag tinatanong naman sa stakeholders meeting ang tungkol sa escrow fund ay naubos na, "it has been depleted", ang sagot niya. Walang paliwanag.
Dahil dito ay sumulat naman sa Kapitolyo ang pangulo ng Helm Marinduque, isang NGO, para imungkahi na iliwanag sa mga stakeholders kung ano talaga ang nangyari sa pera lalo't may mga paratang na ang pondo ay nakadikit sa kontrata ng abogado at ng probinsya sa paghawak sa Nevada case.
Nagpadala rin ng pormal na sulat si dating punong-bayan at dating bokal Pedrito Nepomuceno sa SP para magsagawa ng pagtatanong tungkol dito subalit wala namang natanggap na kasagutan ang dalawa.
Tila baga bale wala lamang ang halagang $12-million dollars (mga P 480-million pesos) kung ito man ay naglahong parang bula. Ngayon naman ay tila kandarapa na ang mga kinauukulan para tanggapin naman ang halagang inaalok ng Barrick Gold na ayon kanila ay $13-million dollars (o P 520-Million pesos) ang mapupunta sa lalawigan. Hindi raw ito maaaring gamitin sa ano mang rehabilitation project kundi para sa mga kalsada, eskuwela at kung ano-ano pa.
Tila baga kapag million dollars na ang pinag-uusapan ay wala na itong katapusan.
Makakatulong marahil kung isasaalang-alang ng mga kinauukulan, lalo na ng mamamayang Marinduqueno na ang income ng lalawigan ng Marinduque sa kasalukuyan kada taon ay higit pa sa P 400-million! Sa taong 2013 ang income ng Marinduque ay nasa P 420-million pesos* (IRA, sales at taxes) o $10.5-million dollars ang katumbas.
Ang alok naman ng Barrick Gold kapalit ng pagpirma sa 17 sa 17 kabulaanang nakasaad sa Statement of Stipulated Facts ay mababayaran on installment basis pa hanggang 2020.
Kung bakit ito sinusuportahang matindi ng mga opisyales ng kapitolyo ay kagilagilalas at kaduda-duda ang motibo, lalo at sa gitna ng mga akusasyon na hindi malayong sila lamang at ang mga susunod sa kanilang mga yapak ang napipintong magkakamal nito.
Hindi malayo na sa huli, ito ay lumabas na isa ring tatawagin na lamang na alamat o ilusyon at wala pa ring kapiyok-piyok kapag nangyari si nabiktimang stakeholder at sambayanan na umasa lamang, tulad ng dati, sa mga pangako at ilusyon.
Paninindigan para sa kalikasan, kalagayan ng pamumuhay at kalusugan ang mga dahilan ng mga mamamayan at ng sambayanan sa pagsampa at pagsuporta sa ibat-ibang kaso at claims na inihain na. Pakikibaka para sa tama at matuwid.
Handa na nga ba kaya ang ilan sa mga may hawak ng kapangyarihan na ibaon na lamang sa limot ang mga salitang 'paninindigan' o 'matuwid' o 'katotohanan' at ang ganitong uri ng pamamalakad at para-paraan ang ipamulat sa mga susunod pang salinlahi ?
MaCEC photo
*Ang income ng Provincial Government of Marinduque sa Taong 2013: P 421,465,028.29 million pesos (incl. IRA, tax collection, sales) .